Advertisers

Advertisers

1986 at 2001 kudeta, di na dapat ginugunita ng Pilipinas

0 349

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y tatanggap ng parusa…” (Roma 13:2, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

MGA KUDETA NOONG 1986 AT 2001, DI NA DAPAT PANG GINUGUNITA NG MGA PILIPINO: Hindi na dapat pang ginugunita ang naganap na pagpapatalsik noong 2001 ng nakaupong Pangulong Estrada noong panahong iyon, o maging ang pagpapatalsik ng Pangulong Marcos noong 1986, sapagkat sumpa sa buong bayan ang idinulot ng dalawang pagkilos na ito laban sa mga pinuno ng bayan.



Ito ay ayon sa pananaw ng Dimensions and Solutions, Inc. (DSI), isang Filipino think tank group, sa isang kalatas sa Kakampi Mo Ang Batas noong Lunes, Enero 24, 2022.

Ayon sa DSI, maliwanag na paglabag sa Bibliya ang 1986 at 2001 power grab o kudeta laban sa mga nakaupang pangulo, at dahil sa mga paglabag na ito ng mga namuno sa nasabing mga pagkilos noon, tinatanggap na ng bansa ngayon ang parusang itinakda din ng Bibliya.

Ayon pa sa DSI, ang batas ng Bibliya tungkol sa mga parusang ibibigay sa mga tao dahil sa kanilang paglaban sa mga pinuno ng pamahalaan ay matatagpuan sa kaniyang Roma 13:1-2.

Ganito ang sinasabi ng nasabing mga bersikulo: “Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y tatanggap ng parusa…”

-ooo-



MGA SUMPA NA NAGDADALA NG KAHIRAPAN AT KAGULUHAN SA PILIPINAS, BUNGA NG MGA PAGPAPATALSIK NG MGA PANGULO NOONG 1986 AT 2001: Ang parusang binabanggit dito ay ang 53 mga sumpang nakatala din naman sa Bibliya, partikular sa kaniyang Deuteronomio 28:15-68. Ang bahaging ito ng Bibliya ay tinatawag na “Aklat ng mga Sumpa”.

Kasama sa mga sumpang sinasabing daranasi ng mga lumaban sa kanilang mga pinuno ay ang sumpa ng korapsiyon (sa Deuteronomio 28:28), ang sumpa ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa buhay (sa Deuteronomio 28:20), at sumpa ng mga Pilipinong magiging alipin ng mga dayuhan sa ibang bansa (Deuteronomio 28:32), at maging sa ating sariling bayan (Deuteronomio 28:49).

Sinabi ng DSI, hindi maikakaila na noong mapalitan ang mga pinunong sina Marcos at Estrada sa pamamagitan ng maniobra ng mga Pilipinong pinagsamantalahan ang kahinaan ng iba pang mga Pilipino, at nakipagsabwatan sa mga dayuhan, nagbagsakan na ang kabuhayan ng buong bayan.

Bagamat sinasabi ng mga pumalit kina Marcos at Estrada na ang mga pumalit sa kanila ay nagbalik diumano ng demokrasya sa bansang Pilipinas, kinikilala naman ng buong mundo na lalong naghirap ang marami nating mga kababayan.

-ooo-

IPANALANGIN, HUWAG LABANAN, ANG MGA LIDER NA SINASABING TIWALI AT ABUSADO, ANG UTOS NG BIBLIYA: Naging mas mabagsik ang mga brown-outs at kawalan ng kuryente, maging ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Sa halip na mapahinto ang katiwalian at pandarambong sa kaban ng bayan, lalo lamang lumama ang nakawan, dahil pinamunuan ang pagsisipsip ng pondo ng mga Pilipino yung mga tinatawag namang “rela-thieves” at “kamag-anak incorporated”.

Ito ang dahilan, dagdag ng DSI, kaya’t hindi na dapat ipinapaalala pa sa sambayanan ang mga paglabag sa Bibliya na ginawa ng mga politiko noong 1986 at 2001, at bagkus, ibaon na lamang ang ito sa limot.

Dapat ding humingi ng tawad sa Diyos ang buong sambayanan dahil sa naganap na paglapastangan ng Kaniyang utos, sa pamamagitan ng pagpapa-alis kina Marcos at Estrada bagamat sila ang mga tunay na halal ng bayan sa isang demokratikong kaparaanan.

Sa bawat paggunitang ginagawa ng ilan sa 1986 at 2001 power grab na ito, lalo lamang ipinapaalala sa mga Pilipino ang paglabag nila sa Bibliya. Niliwanag ng DSI na may paraan ang Bibliya kung papaano tata-tratuhin ang mga pinunong sa ating tingin ay mga tiwali o di karapat-dapat matapos silang mahalal.

Ang paraan ay ipanalangin sila, gaya ng sinasabi ng Bibliya sa 1 Timoteo 2:1-2, at 1 Pedro 2:17. Sa panalangin, hingin dapat ng sambayanan ang pagkilos ng Diyos sa mga lider, upang ang Diyos ang kikilos upang sila ay baguhin.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.