Advertisers
ANO kaya ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte tungkol sa ‘Vape Bill’ , ang panukala tungkol sa importasyon, regulasyon, manufacturing, pagbenta, at packaging ng vaporized nicotine and non-nicotine products.
Ito’y matapos lumusot sa bicameral conference committee at nakatakda nang lagdaan ni Digong bilang batas kapag ito’y naratipikhan at naipadala na sa Malakanyang.
Nagkakaisa ang iba’t ibang grupo ng mga duktor sa kanilang panawagan kay Digong na i-veto ang Vape Bill.
Sabi nga ni UP College of Medicine professor Doctor Tony Dans, malaking banta sa public health ang Vape Bill dahil hihikayatin nito na malulong sa vapes o e-cigarettes ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan.
Sa ngayon, umaabot na sa 59 medical associations ang nananawagan kay Pangulong Duterte na ibasura ang Vape Bill, sabi ng public health expert. Nangunguna sa mga ito sina Doctor Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association; Doctora Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians; at Doctor Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance.
Pati nga itong si dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay nag-aalburoto narin sa pagmamadali ng kongreso at senado na isabatas ang Vape Bill samantalang dapat anya ay inuuna ang mga usapin tungkol sa buhay at kabuhayan lalo na ngayong may pandemya.
Ang tanong nga ni Cayetano: Bakit inuuna ng kongreso na isabatas ang mga panukala na maituturing na habit forming kaysa mas maigting sanang pagtugon ng gobyerno sa kaliwa’t kanang problemang dulot ng COVID-19.
Nauna rito hindi rin naitago ni Senador Pia Cayetano ang kanyang pagkadismaya sa pagpasa ng Vape Bill dahil bumoto ito ng “NO’’ nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong nakaraang Disyembre. Partikular na inirereklamo ni Senator Pia ay ang pagbalewala sa papel ng Food and Drugs Administration (FDA) sa pagbusisi at pag-apruba ng vape products.
Sa ilalim ng Vape Bill, ang Department Of Trade and Industry (DTI) ay kukunsultahin nalang ang FDA sa pagkakaroon ng teknikal standards tungkol sa e-cigarettes. Hirit ni dating Speaker Cayetano, “tayo lang sa buong mundo ang sa DTI, hindi sa FDA, inilagay ang regulation ng e-cigarettes’’.
Iginiit naman ni Dra. Philina Pablo-Villamor, head pulmonologist sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, baga rin ang pangunahing pinupuntirya ng COVID-19, kaya mas malaki rin ang tsansa ng vape users na mahawa sa gitna ng panibagong surge.
Paalala naman ng pediatric pulmonologist na si Dra. Corry Avanceña, makakaapekto ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice sa full brain maturity ng mga kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa maagang edad.
Babala ng mga doktor, babaligtarin ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa vapes sa ilalim ng Sin Tax Law, na pinangunahang ipasa ni Senadora Pia Cayetano noong 2020. Ibababa ng Vape Bill ang ‘age of access’ sa vapes sa 18 mula sa 21 anyos, at papayagan din nitong padamihin ang flavors ng e-cigarettes para hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin ito.
Tsk tsk tsk… kung ano-ano nalang ang inuuna ng ating mga mambabatas. Sa halip na ang pagtatag ng Department of Disaster Resilience at iba pang panukala tungkol sa mas maigting na COVID response, mas inuna pa nila ang Vape Bill na maari ring maging ugat ng pagkalulong ng mga kabataan sa naturang produkto. Peste!