Advertisers
HINDI lang pinagkaitan ng pamunuan ng bansa ang sambayanan ng sasakyan sa kasagsagan ng pandemya. Pinatay ng gobyerno ni Rodrigo Duterte ang lehitimong industriya ng sasakyan, lalo na ang mga bus. Sinakal at pinahirapan ang mga lehitimong kumpanya ng bus. Hindi sila pinayagan na palabasin ang bumiyahe ang kanilang mga bus upang paglingkuran ang madla na nangangailangan ng sasakyan.
Habang sinasakal at pinapatay ang mga lehitimong bus, pinayagan ng gobyerno ni Duterte na namayagpag sa mga lansangan ang mga hindi lehitimo o “colorum” na sasakyan – bus, van, at kotse. Pinalitan ng mga sasakyan na ang mga may-ari ay hindi rehistrado, walang prangkisa, hindi nagbabayad ng tamang buwis, at hindi nag-iisyu ng resibo.
Bahagi ang mga colorum na sasakyan ng tinatawag na “underground economy,” o “informal sector,” ang bahagi ng pambansang kabuhayan (national economy) na hindi nakatala bilang opisyal na kumpanya. Dahil hindi sila nakalista, hindi sila nagbabayad ng buwis at hindi nagbibigay ng resibo.
Samantala, halos dalawang taon na suspendido sa pasada ang maraming lehitimong bus, lalo na ang mga bumibiyahe sa mga lalawigan. Kahit suspendido sa nakalipas ng 22 buwan, patuloy ang mga lehitimong kumpanya ng bus sa pagbabayad sa gobyerno ng renewal ng bus registration at business permit at iba pang bayarin tulad ng insurance premium at suweldo ng mga manggagawa. Mapalad ang mga may-ari ng kolorum na sasakyan dahil hindi sila nagbabayad ng mga ganyang bayarin.
Nagsimula ang kalbaryo ng sambayanan at lehitimong industriya ng bus nang magpataw ang gobyerno ni Duterte ng maituturing na pinakamalupit na lockdown noong ika-16 ng Marso, 2020. Sinuspinde ang operasyon ng lahat ng public utility vehicle – bus, jeepney, taxi, at iba pang sasakyan panglupa.
Dahil sa pandemya, nagkaroon ng maraming pagbabago sa pangkalahatang industriya ng mga sasakyang pampubliko. Binalak na palitan ng mga lumang jeepney at bus na bumabaybay sa kalsada ng Metro Manila. Mistulang ahente ng sasakyan ang ilang kagawad ng Department of Transportation na inilalako ang mga sasakyang inangkat mula China.
Hinikayat nila ang mga jeepney operator at kompanya ng bus, ngunit hindi masyadong kinagat dahil may kamahalan ang halaga at karupukan ang kalidad ng mga sasakyang mula China. Hindi nagclick ang programa ng DoTR.
Hindi lang limitado sa DoTR ang kapalpakan sa industriya ng sasakyan pampubliko. Kasama rin ang Inter-Agency Task Force Against Emerging Diseases ( IATF) sa mga polisiya na liko-liko, walang malinaw na batayan at direksyon, at nakakasama sa madla at industriya. Tinampukan ng urong-sulong na mga patakaran ang IATF.
Isang halimbawa ang Resolution 101 na inisyu ng IATF noong ika-26 ng Pebrero, 2021. Itinatakda ng IATF ang mga terminal kung saan maaaring magbaba at magsakay ng pasahero ang mga bus panlalawigan, na pawang pinagbawalan na pumasok sa Metro Manila.
Ito ang Sta Rosa Integrated Terminal (SRIT) sa bayan ng Sta. Rosa sa Laguna at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), dating Southwest Integrated Exchange (SWITS) sa Parañaque City. Sila ang mga terminal para sa mga bus na papunta sa katimugan ng Metro Manila. Nagagamit ang North Luzon Exchange Terminal (NLET) sa bayan ng Bocaue sa Bulacan sa para sa mga bus na babaybay sa hilaga.
Itinakda ng resolusyon ng IATF na gamitin ng mga kompanya ng bus panlalawigan ang mga terminal. Pinagbawalan ng resolusyon ang mga kompanya ng bus na gamitin ang kanilang sariling terminal. Nilalayon ng resolusyon na magkaroon ng mga sentralisadong terminal kung saan makakasakay at makakababa ang mga pasahero ng bus.
Bagaman mahusay ang layuning ng mga sentralisadong terminal, maraming suliranin ang ibinubunga nito. Malayo sa mga pasahero ang mga terminal. Isa ito sa mga dahilan kung bakit naglipana ang ang mga colorum na sasakyan. Labis ang kamahalan ang sinisingil na pamasahe ng mga colorum. Bukod diyan, hindi sila sumusunod sa mga itinakdang patakaran sa kalusugan.
Sa huli, ang mga pasahero ang pumapasan ng mga paghihirap. Wala naman ginagawa ang mga opisyales ng IATF kahit hiningi ng mga kompanya ng bus na alisin muna ang mga terminal at payagan ang mga bus na maghatid at magsakay sa kani-kanilang pribadong terminal.
***
SA aming batch sa hayskul, mayroon isang pilyong alumnus na nagpaskel ng paghahalimbawa ng panayam ni Jessica Soho ng GMA-7 sa mga aplikante sa trabaho. Ito ang sabi:
Kumbaga sa interview:
Leni – Yan yung aplikante mong maganda ang resume at track record. Pag may situational questions ka, may sagot na agad na prepared at sasabihin na nagawa na niya dati pa.
Ping – Maganda din ang resume. Marami ding experience pero nagtataka ka kung bakit siya di napo-promote kahit ilang beses na sya nag-apply.
Yorme – Yung aplikante mong may potential naman kaso parang binobola ka at sinasabi lang ang gusto mong marinig. Nagtataka ka din dahil intern pa lang naman sya kaso gusto na agad mag-apply as ops manager.
Pacman – Siya yung sinasabihan ng HR na “don’t call us, we’ll call you”.
Blengblong – Yung aplikante mong nag-no show!
Hindi bawal ang tumawa sa pos ng aking batchmate.
***
MGA ilang salita tungkol sa panayam ni Jessica Soho sa mga kandidato: “GMA-7’s Jessica Soho has set the standards higher for fairness, diligence, and profundity in TV interviews on sensitive topics. Boy Abunda will have a very hard time to match the quality of Jessica’s interview last night. Boy is good in tackling showbiz gossips. That’s him.” – PL, netizen
“Boy Abunda, his style of interviewing is wanting, trying to be profound, a la Oprah baga. So I don’t know if a platform like that is essential for presidential candidates to participate. Trying to be metaphysical by probing what’s on your mind. In the end, nagmumukhang [Trying Hard].” – Gerald Santos, netizen
“Kapag sinabi ni BBM na makakapanayam lamang siya ng “unbiased” interviewer, ang ibig niyang sabihin ay iyong kakampi niya. Sila na magbubulag-bulagan sa mga ninakaw ng kanyang pamilya, katamaran sa trabaho, kawalan ng sikap maglingkod, at kawalan ng nagawa bilang halal ng bayan.” – Archie Mendoza, netizen
“The presidential debate on TV was proving to be Leni’s show. She has stood out among the five. the other four looked like acolytes (sacristan), while Leni was the high priestess. The four candidates sounded so defensive, while Leni spoke from the heart. She has nothing to defend.” – PL, netizen