Advertisers

Advertisers

“Patong cops”, bigwasan din ni Lacson

0 548

Advertisers

KAPAG korapsyon sa Philippine National Police (PNP) ang pinag-uusapan, bukang -bibig ni Senador Panfilo Lacson ang “kotong cops”.

Kung nasusubaybayan ninyo ang kampanya ng tambalang Lacson at Senate President Vicente Sotto III, idiniin ng kandidato ng Partido Reporma (Reporma) sa pagkapangulo ng bansa ang gagawin niyang pagpapatigil sa pangongotong ng mga pulis sa mga tsuper ng dyip.

Siyempre, natuwa ang mga drayber dahil hanggang sa panahong ito ay nakokotongan sila ng mga pulis at mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).



Muling binanatan ni Lacson ang kotong cops sa Divisoria sa Maynila.

Ayon kay Lacson, kinikikilan ng mga kotongerong pulis ang mga vendor sa Divisoria.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon sa balitang inilabas sa midya, pinaimbestigahan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang ibinunyag ni Lacson.

Pagkatapos ng nasabing balita, ‘tapos na’ ang isyu.



Hindi na rin inulit ni Lacson ang banat niya sa kotong cops sa Divisoria.

Pokaragat na ‘yan!

Ang totoo, matagal nang problema ng mga vendor sa Divisoria ang pangongotong o pangingikil ng ilang korap na pulis sa nasabing lugar.

Ilang ulit nang isiniwalat ng ilang kolumnista ang katarantaduhan ng kotong cops sa Divisoria.

Ngunit, hindi talaga matapus-tapos.

Tuloy, maraming tao ang nag-iisip na mayroong mga miyembro ang PNP na sobrang sisiba sa pera dahil hindi sila kontento sa napakataas na sahod ng mga pulis.

Pero, huwag kayong mag-iisip na tanging ilang pulis-Divisoria lang ang inaakusahang kotongero.

Hindi po!

Kahit ang mga vendor sa Quiapo, Recto, Rizal Avenue at iba pa ay ‘regular’ ding nakokotongan ng mga taong tinatawag na “otoridad”.

Pokaragat na ‘yan!

Kung seryoso at tapat si Lacson na labanan at sugpuin ang kotong cops, huwag niyang tigilan ang pagsisiwalat at pagbigwas dito.

At kung totoong adbokasiya ni Senador Ping Lacson ang paglilinis ng katiwalian at korapsyon sa PNP, bigwasan din niya ang “patong cops”.

Huwag tigilan ng senador ang pagsisiwalat at pagbanat sa patong cops.

Bilang dating PNP Chief, siguradong alam ni Lacson ang ‘sakit’ na ito sa PNP.

Ang patong cops ay ang mga pulis na regular na tumatanggap ng lingguhan o buwanang tara o padulas mula sa illegal gambling operators tulad ng jueteng, sindikato ng ‘paihi’ ng produktong petrolyo, punenarya at iba pa.

Kung hindi abot ng “intelligence unit” ni Lacson, maging ang mga mangingisda at mamamalakaya ay pasok sa pangongotong o pangingikil ng ilang pulis na nakadestino sa PNP – Maritime Group.

Pokaragat na ‘yan!

Labis-labis nang nahihirapan ang mga mangingisda at mamamalakaya sa pangongotong sa kanila, sapagkat maging ang mga korap na opisyal sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) ay regular silang kinikikilan.

Kaya, bigwasan din ni Lacson ang patong cops at mga katulad nila.