QC mayoralty aspirant Mike Defensor, itutuloy ang ‘City of Stars’ ni Kuya Germs; May 3 prayoridad na proyekto sa lungsod
Advertisers
HINDI pa rin dapat mawalan ng pag-asa ang mga residente taga-Quezon City and for sure, pati ang namayapang Master Showman na si Kuya Germs Moreno na nagplano nito ay matutuwa dahil itutuloy ni QC mayoralty candidate Cong. Mike Defensor ang proyektong gawing City of Stars ang siyudad.
Alam anya niya na malaking pakinabang ito sa mga mamamayan ng QC kaya hinihiling din niya ang tulong ng entertaiment press kung sakali dahil kapos anya ang kaalaman niya rito.
Naroon din ang hangarin ni Cong. Defensor na mag-develop pa ng commercial centers sa Cubao, Eastwood, Timog, Quezon Avenue, kasama na ang Parks & Wildlife.
Nang maungkat naman ang usapin sa ABS-CBN na nasa bisinidad din ng nasabing lungsod, inihayag ni QC mayoralty aspirant Defensor na marami siyang natanggap na mura at pamba-bash nung bumoto siya laban sa pagbubukas sa nasabing network na napaso ang prangkisa.
‘Ika nga ni Defensor, ginampanan lang anya niya ang kanyang trabaho at talaga raw nahirapan siya sa pagdedesisyon. Gayunman, may ilang empleyado rin daw ng ABS-CBN ang nakausap niya at nagpahayag na naiintindihan siya sa ginawang desisyon.
Gayundin, sakali raw hingan siya ng tulong ng istasyon ay handa naman daw siyang tumulong.
Sinabihan din umano siya ng kanyang anak na babae na ‘wag nang tumakbo sa pagka-mayor at manatili na lang na Congressman at asikasuhin na lang ang kanyang mga negosyo.
Pero pahayag ni Defensor, nakita anya niya ang mga dapat ayusin sa lungsod-Quezon lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Bilang tumatakbong alkalde ng QC, gagawin umano niya ang makakaya niya para pababain ang Covid cases sa lungsod na sa kasalukuyan ay No. 1 sa may pinakamaraming bilang sa Kalakhang Maynila.
Pati umano ang pagbibigay ng ayuda sa mga residente kasama na ang hindi tamang pamamahagi ng nararapat na tulong para sa mga senior citizen ay aayusin din niya sakaling maluklok sa posisyon.
May mga iminungkahi rin daw siyang ilang proyekto at suhestyon kay Mayor Joy Belmonte pero hindi anya nito pinansin.
Dagdag pa ni Cong. Defensor, ang tatlong pyaroridad niya sa QC na tututukan niya ng atensyon ay ang hanapbuhay, edukasyon, at ayuda na dapat daw ay para sa lahat at hindi sa iilan lang.
Kasabay nito, inamin din ni Cong. Mike na malapit anya ang puso niya sa mga miyembro ng LGBTQ dahil ang kanyang anak na lalaki ay kaanib din nito.
Buong puso raw niyang tinanggap ang kasarian ng kanyang anak at sa katunayan ay nagdiwang din daw ito ng ‘debut’. (Blessie K. Cirera)