Advertisers
HINDI nabigyan ng tamang payo si Boy Pektos ng tumanggi ito na lumahok sa panayam ng mga presidentiables. Malayo pa ang laban sa halalan. Hindi pa nagsisimula ang opisyal na panahon sa pangangampanya, at tila nagsisiguro na hindi mabawasan ang kalamangan sa mga survey. Sa ngayon, nangunguna ito sa survey ng SWS at ng False Asia ngunit hindi ito mapanghahawakan sa tagal ba ng aktuwal na halalan. At ang pinakitang pag-urong sa talastasan o panayam ay nagsasaad na wala itong maayos na tanawin o gagawin para sa bayan. O’ ang pagbabalik sa kapangyarihan ang tanging nais at ang makawala sa usapin ng nakaw na yaman.
Hindi nito kayang humarap sa matinong panayam, sa walang puknat na tanungan, sa paglalahad ng katotohanan, eh paano pa ang usaping bayan na kailangan ng mas malalim na pag-unawa at paglalatag ng solusyon. Sa pagtanggi sa panayam, tila inilaglag ang posisyon na nais, maging ang kalamangang tangan na ginastusan ng limpak limpak na salapi. O sadyang iniingatan ang kalamangang hindi mapanghahawakan na sa tingi’y halos abot kamay. Sa pagtanggi sa panayam at maling galaw sa pag-iingat kuno sa kalamangan, magkakatotoo ang nasa isip na unti-unting umaalagwa ang agwat na papunta sa kalaban.
Iniiwasan ang pagkakataon na ipinakita ang kawalang kakayahan sa sambayanan dahil sa malaking bilang ng agwat sa malapit na kalaban, hayan parang domino na itinulak ang isa, sumunod ang lahat sa pagbagsak at ang abalang pangulo ang nakinabang. Hintayin ang susunod ng survey, na panlulumo ng kampo niyo. Batid ni Mang Juan na may laban ito sa halalan lalo’t malalim ang lukbutan at kasama ang anak ng buktot ng Dabaw. Sa pagdausdos ng katanyagan, tiyak na hindi titigil na maaresto ang pagbaba ng bilang na pinakita sa survey.
Marami ang nabaklas at mababaklas sa kadahilanan na hindi kinakitaan ng tapang sa pagharap sa hamon ng panayam. Kawalang kumpiyansa sa sarili at malaki ang takot sa mga tanong na ipinukol na hindi kayang pumektus ng kasagutan. Sa katangian ni Boy Pektos na tsinotsubibo ang sagot, ang pagtanggi sa panayam ang pinaka ligtas na gawa. O sadyang namimili ng magtatanong at itatanong ng hindi lumabas ang kawalan ng alam sa mga bagay na panlipunan. ano masasabi ni Aling Tonya?
Sa pag-iwas sa panayam ng isang batikang media personality, hindi ito mapapanatili ang agwat na tangan sa mga survey na parang omicron na mabilis makahawa sa manghahalal na magbago ng tayo o pili sa darating na halalan. Sa magandang ipinakita ng abalang pangulo sa panayam hindi malayo na ito ang makapusoy sa mga lumahok sa panayam. At ang walang taya, lahat mawawala. Sa pananaw ng Batingaw, para bang sariling panayam sa abalang pangulo ang naganap na walang kagatol gatol na sinagot ang bawat katanungan ng may lohika, talino at paniniwala na nagbigay ng pagdadalawang puso na manatili sa sino man sa apat na kandidato.
Iba ang tingin ni Mang Juan sa mga taong hinamon at hindi kumasa lalo’t hingil sa dalang plataporma de gobyerno ang pag-uusapan. Maituturing na hindi maganda ang tindig na ginawa ni Boy Pektos na iwas pusoy sa pagtangi na ikinakatuwiran na may kinikilingan ang TV anchor, at hindi makakakuha ng tamang trato kung sakaling dadalo. Ngunit hindi ito ang dating kay Mang Juan, na ang nakita’y isang bahag na buntot lider na hindi karapat dapat ipagkatiwala ang bayan.
Sa panayam, ang paglilinaw sa isyu at paglalahad ng balakin ang nais marinig ng madla na kung malinaw ang tinitindigan, marahil matatapos ang multo ng nakaraan, at ang pagkakataong pinakawalan ni Boy Pektos. Mapagpatawad si Mang Juan sa marunong maglinaw, tumanggap ng kamalian lalo’t may pananaw para sa bayan.
Ang pinakawalang pagkakataon na maglilinis ang pangalan ng pamilya’y lalong nabahiran ng pagdududa lalo sa isip ng mga Millenial na madalas na nasa social media. Sa hindi pagsipot ni BP sa panayam, tila nasunog ang bahay nito sa social media na palipasan ng oras ng mga kabataan sa kasalukuyan. Sa pag-iwas sa laban, asahan na naglalabasan ang trolls na maglilinis sa imahe ni Boy Pektos na inurungan ng tapang sa hayag at napapanood na panayam. Maraming gagawin na kailangan ng maraming salapi ng muling maibangon at mapabalik ang mga kumalas, kakalas na manghahalal na nagising sa katotohanan at naglipat bakod.
Bukod sa mga trolls, makikita sa darating na araw na parang mga kabute na naglalabasan ang buktot na tagapagtanggol na ang nais ay makadampot ng salapi sa pagbangon ng imahe ni Boy Pektos. Makikita sa susunod na araw ng pagtira sa pagkatao ng mga personalidad o maging sa media outfit na naging dahilan ng pagbulusok pababa ng pangalan ni Boy Pektos. At makikita sa iba’t ibang uri ng media na dala-dala ang pangalan ni BP na laban ito sa elitista na nagpapahirap sa bansa. Humarap sa laban, ilahad ang baraha at huwag mag iwas pusoy!!!
Sa pangyayaring ito, makikita kung paano kumilos ang pagkakataon pabor sa taong bayan. Batid na hindi kakasa sa laban si Boy Pektos at itutupi ang baraha ng makaiwas pusoy. Subalit hindi nito nabasa na ibig ng Pinoy ang matikas at palabang tao na kahit binubugbog, laban lang. Mali ang basa ni BP at ng mga alipores sa sitwasyon na naging tampulan ng batikos sa halip na paghanga. Iniiwasan ang simpleng bagay na mapanghahawakan. Hindi sumangayon ang pagkakataon na nagbunga ng positibo ang kaganapan sa panig ng buktot, salamat.
Sa pagdala ng media sa makatotohanang balita ngunit negatibo sa panig ni BP, tila kinagalak pa ito ng mga buktot dahil negatibo o positibong balita, pogi points ito. At mali ang basa dito ng panig ni BP. Dahil ang negatibo’y negatibo at ‘di makapang-aakit ng karagdagan manghahalal sa halip ang pagbaklas ng maraming mga unang napaniwala sa retorikang paikot-ikot. Ang hakbang ng sanlumikha na gumigising kay Mang Juan, Aling Marya, Mang Rod at sa balana na mag-isip sa hakbang ng pagpanig sa mga taong mapagpanggap na walang malasakit sa hanay.
Ang humarap sa laban at tumayo sa katotohanan ang inaasahan sa mga nagnanais na mag lingkod sa bayan. Walang tinatago, lantad ang pagkatao, may angking talino, pusong makatao ang dapat pagkatiwalaan ng Pilipino. Ang hindi kayang tumayo sa katotohanan at walang paninindigan ay walang karapatan sa panguluhan. At ito ang wala kay Boy Pektos, siyang uri ng liderato na kailangan ng bayan lalo’t mabigat ang laban sa buhay ni Mang Juan. Ang pandemya, ang kawalan ng hanap buhay, ang imaheng dinurog ng retorikang huwad, ang pagyurak sa karapatang pantao, at mga krimen na hindi maresolba. Mas mainam na hayaan ang abalang pangulo ang siyang maging lider ng bansa sa katangian na ipinamalas nito sa panayam…
Maraming Salamat po!!!