Advertisers
ILANG ulit na hinamak si Yorme Isko ng mga kritiko niya na siya ay … isang bold actor.
May inilabas pa noon na video na pakending-kending na sumasayaw siya na ang suot lang ay “brief.”
Ito raw ba ang ginoong nangangarap maging pangulo – tanong na pagmamaliit, pagdusta at mapait na panlalait.
Lahat ng ito, tiniis ni Francisco Moreno Domagoso dahil alam niya, isa siyang pipitsuging kandidato, at tanging nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya ay ang pagtitiwala na may awa ang Diyos, ang pangarap na maiangat ang buhay-mahirap sa iskwater ng Tondo – na nagawa niya – ay magagawa rin niya, bilang Yorme ng Maynila na maisama sa pangarap ang milyon-milyong Pilipino na makatawid sa pandemyang COVID-19 at sa susunod na anim na taon, kung palaring manalo sa eleksiyon sa Mayo 2022, mabigyan ng magandang bukas ang Pilipinas.
Sa Presidential Interviews sa GMA-7, totoong “hinubad” ni Yorme Isko sa madlang bayan kung sino ba siya sa matatalim na tanong ng multi-awarded news anchor Jessica Soho.
Handa na siya sa presidency, sabi ni Yorme na sa loob ng mahigit na 23 taon (“half of my life ay dedicated sa public service”) at sa ginagawang “Listening Tour”, sa kapakinabangan ng tao – edukasyon, pabahay, kalusugan, trabaho – ang hahangarin niyang maibigay kung siya ang pangulo.
Tradpol raw si Isko: retorika, lip service na lang ang ‘laki-sa-hirap’ na pang-akit niya sa mga botante, oo noon, basurerong si Moreno siya, pero ngayon, siya ngayon ay si multi-milyonaryong si Moreno at iniwan na niya ang Tondo.
***
Political butterfly, balimbing si Yorme dahil palipat-lipat siya ng partido, at wala siyang katapatan o loyalty: kakampi dati, nilabanan niya si dating Mayor Alfredo Lim at iyon din ang ginawa ni Yorme Isko kay dating Mayor President Erap Estrada.
Maliwanag ang sagot ni Isko: Kung ang isang partido o kakamping politiko ay “walang ginagawang katinuan,” basta ang loyalty niya, ay sa tao, at kung hindi tapat sa tao ang isang politiko, iiwanan niya.
Kung hindi totoo sa tao ang politiko, iiwan niya kung hindi mabuting tao ang politikong iyon, iiwan niya, dahil ” ang loyalty ko ay sa tao!”
Ibinulsa raw niya ang P50-milyong natira sa nalikom na campaign funds nang tumakbo siya na senador – na hindi siya sinuwerteng manalo?
Payapa, kumpiyansa na sinagot ito ni Yorme Isko, aniya, kabuuang P171-M ang nalikom na donasyon at hindi niya itinago ang naisubing P50-M dahil ito ay inilista sa kanyang Statement of Contribution and Expenditures (SCE) sa Comelec.
Sinabi niya kay Soho, nagbayad siya ng P9.7M na buwis para sa “income” na halagang P50.55-M.
Walang siyang nalabag na batas – “as long as nagbabayad ka ng buwis,” paliwanag ni Yorme.
Kung bakit idineklarang income, iyon ang sinasabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR), paliwanag ni Isko kaya ang ginawa niya, binayaran niya ang buwis – sa katumbas ng P50.55-M.
***
Tapos na ang panahon ng elitista, minsang sinabi ni Yorme, at ito raw ay nag-uudyok ng class war.
Nasaan na ang bansa, paliwanag ni Isko na sa loob ng 40 taon, dalawang pamilya lang ang nag-aaway at nakalimutan ang kapakanan ng tao.
Maiba naman dapat ang pamumuno na ang sentro ng hangad ay ang kabuuang kagalingan ng tao, ng pamilyang Pilipino at ito ang iniaalok ni Yorme Isko sa taumbayan.
Hindi niya kaaway si Presidente Rodrigo Duterte dahil maraming mabubuting ginawa sa bayan, at kung pinuna niya ang administrasyon, iyon ay dahil nais niya ang mabuting governance.
Kung siya ang pangulo, kung ano ang tagumpay ng pabahay, trabaho, kalusugan, edukasyon, kagalingang pinakikinabangan ng Manilenyo, iyon din ang gagawin niya sa Marawi City na dinurog ng mga terrorist noong 2017.
“By December of 2022, tapos na ‘yun, 100% na ‘yun.”
Ibig sabihin, ang 80% natapos na rehabilitasyon ng administrasyong Duterte ay kukumpletuhin niya, agad-agad by December of 2022.
***
Tatlong programa ang uunahin ni “Presidente Isko” kung siya ang nasa Malakanyang, at ito ay gagawin niya nang mabilis sa loob ng dalawang taon.
Buhay, Kabuhayan, Trabaho.
“Diyan lang iikot yung first two years of six years. Itatawid natin yung tao, makaraos tayo sa pandemyang ito. Maraming nawalan ng trabaho and I hope we can create more jobs,” paliwanag ni Yorme Isko.
Ginawa niya ito sa Maynila at maduduplika niya ito sa maraming lugar sa bansa, aniya, ” napapalaki, napapalawak” para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Maraming mabibigat na problemang haharapin ang susunod na pangulo, at siya ba, handa na talaga na sagupain at lutasin ang mga ito.
***
Handang-handa na siya, paliwanag ni Yorme Isko dahil mula pa sa pagkabata, maaga siyang namulat sa kahirapan.
Kaya, normal na lang sa kanya ang humarap sa hirap, sa problema.
“Sanay naman ako sa hirap eh. Buong buhay ko, puro hirap ang inabot ko. Itong mga challenges na ito, para sa akin, it’s a normal thing,” sabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Puro sa tao ang ibibigay ni Isko.
Basic governance ang layunin niya sa bansa, “mahalaga sa akin, ang kapakinabangan ng tao.”
***
Loyalty sa tao, ang makapaglingkod sa taumbayan.
Sa ngayon, matapos na matulungan ni Isko ang sarili niya na makaangat sa buhay.
Ngayon, ang goal, ang adhikain niya, sabi ni Isko, ”Yung makapaglingkod ka sa taong bayan,” ang nais niya na gawin at iukol ang buhay niya bilang si “Presidente Isko Moreno.”
Ang mahalaga, aniya, mabigyan siya “ng pagkakataon to excel, to show your love for the country, your love for your fellowmen.”
“It’s a calling!”
Ang maglingkod sa tao, iyon ngayon ang misyon ni Yorme Isko.
Ang mahalin, maglingkod, mapabuti ang buhay at kabuhayan ng tao – ng pamilyang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.