Advertisers
MAS hinangaan si Presidential candidate Sen. Ping Lacson sa isinagawang interview ng King of Talk na si Boy Abunda dahil hindi siya nanira o nanlaglag ng ibang presidentiables na tulad ng ibang tumatakbo sa pagka-pangulo ng bansa.
Bahagi kasi ng panayam ni Kuya Boy na “Political Fasttalk” na dapat sagutin ni Lacson. Ang tanong, “bakit hindi dapat iboto si…” at binanggit ang mga pangalan ng iba pang tumatakbong presidente.
Kung tutuusin, ‘yun na ang pagkakataon ni Ping na siraan ang mga kalaban niya para iangat ang sarili at siya ang ibotong presidente ng taumbayan sa eleksyon.
Pero imbes na manira, natatawa lang na sabi ni Lacson na, “Kasi tumatakbo akong presidente, Boy.”
Sa tanong ni Kuya Boy na binabanggit niya isa-isa ang pangalan ng ibang kandidato, iyon din ang sagot ni Lacson na nakangiti.
At nang tanungin naman siya ng host kung bakit siya ang dapat na iboto, sagot ni Lacson: “I’m the most qualified, most competent, and the most experienced.”
Sa una, hindi pansin ang tanong tungkol sa “bakit hindi dapat iboto si…” Pero nang lumabas at inere na ang isa pang kandidato at tinanong din ng kaparehong tanong, siniraan na isa-isa ang mga kalaban niya.
Sinabihan pa nga si Lacson na hindi raw ito dapat na iboto dahil ‘maraming salita, pero on the ground, kulang.”
Sagot ni Lacson, “Hindi ako kulang ‘on the ground.’ Hindi lang talaga ako ma-epal tuwing magbibigay ng tulong sa mga kalamidad man o sa mga indibidwal na tulong,”
Dati na ring sinabi ni Ping at running mate niyang si Senate President Tito Sotto na mas nais nilang ipakita sa mga tao ang kanilang plataporma o gagawin sa bansa ‘pag nanalo kaysa siraan ang kanilang mga kalaban. (BKC)