Advertisers

Advertisers

“Ekonomiya lumago dahil sa pagluluwag ng COVID restrictions”

0 434

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung makikinig lamang kayo sa tinig ng Diyos at susunod kayo sa Kaniyang mga utos… itatampok Niya kayo sa lahat ng mga bansa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito, kung makikinig lamang kayo sa tinig ng Diyos at susunod sa Kaniyang mga utos…” (Deuteronomio 28:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

GDP, O ANG SUKATAN KUNG BUMUBUTI NA ANG EKONOMIYA, UMUNLAD NG TODO NOONG DISYEMBRE 2021, AYON SA PSA: Tila dapat na ngang luwagan na ng tuluyan ang mga pagbabawal at mga limitasyon sa paglabas ng tahanan ng ating mga kababayan, lalo na sa hanay ng mga manggagawa at mayroong sariling maliliit na negosyo sa iba’t ibang bayan, lungsod, at lalawigan sa Pilipinas.



Sa ulat ng Philippine Statistics Authority na inilabas sa social media noong umaga ng Huwebes, Enero 27, 2022, tumaas ang tinatawag na GDP (o gross domestic product) ng Pilipinas ng higit sa tinatayang pagtaas nito para sa buwan ng Disyembre 2021.

Mula sa inaasahang 5.5% na paglago ng GDP, o yung kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong naipagbili o di kaya ay binayaran, nakita ng bansa ang paglago ng GDP mula 6.9 hanggang 7.7 percent. Ang itinalang paglago ng 5.5 % ng GDP para sa buwan ng Disyembre 2021 ay nagmula sa mga datos Development and Budget Coordination Committee ng pamahalaan.

Ang pagtaas na naranasan sa buwan ng Disyembre 2021 lamang ay higit na mataas sa paglago na naitala sa kabuuan ng fourth quarter, o huling tatlong buwan, ng 2021, dagdag pa ng Philippine Statistics Authority.

-ooo-

PAGSULONG NG EKONOMIYA NOONG DISYEMBRE 2021, BUNGA NG MAS MALUWAG NA PATAKARAN SA COVID: SOCIAL PLANNING CHIEF CHUA: At kung ang datos naman ng huling tatlong buwan ng 2020 ang pag-uusapan, malayo ang paglago ng GDP sa Disyembre 2021, dahil noong tatlong huling buwan ng 2020, negative 8 % ang naitalang paglago.



Batay sa mga ulat, ang GDP growth rate noong 2021 ay napakatinding paglukso ng mga pagkilos ekonomiya noong 2020, sa harap ng matinding pananalasa noon ng COVID 19 pandemic. Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang GDP noong 2020 bumagsak lamang sa P17.9 trillion, samantalang ang paglago ng GDP noong buong 2021 ay 96%.

Batay sa lahat ng ito, sinasabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na makatotohanan ang naunang pagtaya ng mga economic managers ng bansa na maaaring makabalik ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2021 sa paglagong nararanasa nito bago mag-pandemya ng 2020.

Batay diumano sa pag-aaral nina Chua at ng kaniyang mga dalubhasa, nagaganap ang mga paglaking ito ng ekonomiya sa pagluluwag na pinahintulutang maganap ng gobyerno sa huling tatlong buwan ng 2021, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

At dahil ipinakikita naman ng mga huling datos ng Department of Health at ng World Health Organization na ang Omicron variant surge ay hindi singbagsik ng mga naunang variants ng COVID 19 virus na nagdulot ng pagkakapigil sa ospital ng maraming manggagawa, at kamatayan sa maraming iba pa, maaari ng ibaba pa ng husto ng Malacanang ang Alert Levels sa National Capital Region at ilan pang mga rehiyon sa Pilipinas na sentro ng mga negosyo at hanapbuhay.

-ooo-

MAS MATINDING PAGTUPAD NG HEALTH PROTOCOLS, AT MAS TAPAT NA PAGLAPIT SA DIYOS, MAGPAPAWALA NA SA VIRUS NG TULUYAN: Sa harap ng mga improving forecasts na ito, muli namang nanawagan ang Dimensions and Solutions, Inc. o DSI, sa sambayanan na magpatuloy pa din sa pagsunod sa mga health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan, partikular ang face masks, paghuhugas ng kamay, at social distancing.

Magkaganunman, kailangan ding ipagpatuloy ng mga Pilipino ang puspusan at totohanang panalangin upang ipagpatuloy ng Diyos ang pagbibigay ng Kaniyang awa at pagkalinga di na lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, tungo sa pagkawala na ng tuluyan ng COVID virus.

Ipinapanukala din ng DSI ang pagbabasa ng Bibliya para sa mga Kristiyano, at ng iba pang mga banal na aklat ng ibang pananampalataya, at ang totohanang pagsunod o pagtalima sa mga kautusan ng Diyos na nakasulat sa Bibliya at sa nasabing mga banal na aklat.

Marapat ng kinikilala ng lubusan ng mga Pilipino na ang lahat sa kanilang mga buhay ay ang Diyos ang nagtatakda, at ang pagtatakda ng Diyos ng mabuting buhay ay para lamang sa mga nakikinig at sumusunod sa Kaniyang mga utos.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network