Advertisers
SA LARANGAN ng pamamahayag, mayroon tinatawag na “good copy.” Sila ang mga tao at institusyon na madaling isulat. Maraming maibabalita at totoong makakatulong upang bumenta at diyaryo o pakinggan at panoorin sa tradisyunal broadcast media ng radyo at telebisyon, at kahit sa non-tradisyunal na media platform tulad ng social media. Sila ang mga nasa tamang panig na kasaysayan. Dahil mahusay pumulso sa damdamin ng bayan, alam nila ang kanilang sasabihin sa madla. Kasama ang magreretirong Commissioner Rowena Guanzon ng Comelec.
Mayroon “bad copy.” Sila ang mga kontrabida sa bawat labanan. Sila ang mga nasa maling panig ng kasaysayan. Sila ang mga tao at institusyon na walang ginawang tama. Kada bukas ng mga bibig, lalo lamang sila nalubog sa kahihiyan at kapalpakan. Iyan si Commissioner Aimee Ferolino-Ampiloquio (hindi namin alam kung tama ang pagbaybay). Kasama ni Ampiloquio si BBM at ang buong institusyon ng Comelec.
Good copy si Guanzon. Pumupuntos ang bawat bukas ng bibig. Kabaligtaran si Ampiloquio. Nagkalat sa bawat sasabihin. Lumubog sa kahihiyan at naging katatawanan. Kontrabida ang tayo ni Ampiloquio ngayon dahil hindi nagtrabaho. Inuupuan ang resolusyon na dapat niyang ilabas mula nang nombrahan siya bilang ponente ng pangunahing ponencia, o desisyon. Hindi maaalis ang hinala na nabayaran siya ng kampo ni BBM upang hindi ilabas ang resolusyon. Hindi malayo na gumulong ang salapi upang hindi makasali sa resolusyon si Guanzon na magreretiro bukas (Miyerkules) sa pagtatapos ng kanyang termino.
Bad copy si BBM dahil totoo siyang hindi nagbayad ng buwis ng apat na beses. Kriminal siya at kahit ano pa ang kanyang gawin, hindi niya maitatwa na convicted tax evader. Dahil hindi isinuko ang mga nakaw na yaman mula sa kabang bayan, hindi maalis ang impresyon na nabuhay siya sa nakaw na yaman kahit ano pa ang sabihin niya. Sa maikli, hindi niya maipagkaila na hindi siya kwalipikadong tumakbo bilang presidente.
Bad copy ang Comelec dahil lalong tumitibay ang paniniwala na mandaraya ito. Hindi isa, dalawa, tatlo ang mga taong mandaraya, kundi ang buong institusyon ng Comelec. Pinatunayan ito ng kasaysayan mula noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos hanggang maibalik ang demokrasya. Isa ang Comelec sa may pinakamalabong integridad.
Dahil magaling na abogado (nagtapos siya sa UP), alam ni Guanzon kung ano ang sasabihin sa tamang oras at panahon. Dito niya naiisahan si Ampiloquio na tulad ng mga ibang nagmula sa Davao City ay hindi alam kung paano dadalhin ang sarili sa gitna ng pambansang pulitika. Alam ni Guanzon ang kiliti ng media. Maikli ang bawat bagsak ng pangungusap at malulutong.
Noong Lunes ng umaga, hinarap ni Guanzon ang mga kasapi ng iba’t ibang media organization sa harap ng Manila Cathedral malapit sa punong tanggapan ng Comelec at buong liwanag niyang hinamon ang Comelec en banc na magbitiw ng kanilang tungkulin. “Sirang-sira na kayo diyan. Sabay sabay tayong mag resign ngayon! My duty is to protect the public from disqualified candidates Marcos convicted!” – ito ang walang gatol niyang sinabi.
Ito ang hamon na hindi tatanggapin na mga commissioner. Wala sa kanila ang katapangan. Wala ang integridad bilang natatanging katangian ng kanilang mga pagkatao. Lulunukin nila ang kanilang pride upang manatili sa puwesto. Wala silang alam tungkol sa karangalan.
***
SIMPLE ang kalatas ni Guanzon. Kung walang kalokohan si Ampiloquio, bakit hindi niya mailabas ang resolusyon? Kung hindi siya sinuhulan ni BBM, bakit pinipigil niya ang resolusyon? Bakit hinihintay niya ang pagreretiro ni Guanzon bago ilabas ang resolusyon? Bakit inilabas niya naimpluwensyahan siya ni Guanzon sa pagsulat ng ponencia ng kanilang Division?
Bakit mas may oras siya na sumulat ng paliwanag na nag-aakusa kay Guanzon bago isulat ang ponencia? Bakit hindi humaharap sa media si Ampiloquio upang magpaliwanag? Bakit nawala sa madla si Ampiloquio? Bakit hindi siya nakipagtalastasan kay Guanzon? Bakit kailangan bigyan ng ultimatum ni Guanzon ang kanyang kapuwa commissioner na isumite ang resolusyon bago tanghali ng Lunes? O bakit takot na takot siya kay Guanzon?
Napakaraming mga tanong samantalang isang bagay lang ang hinihingi sa kanya: isumite ang resolusyon. Kung bakit hindi maisumite. Kaya napakahirap itatwa ang paniwala na nabayaran si Ampiloquio ni BBM. Hindi maitatwa ang pananaw na nagpagamit siya sa mga Marcos at hindi basta maaalis ang paniniwala na nasuhulan siya. Kaya tama si Guanzon na hingin ang pagbibitiw ng lahat ng mga commissioner.
Hindi diretso sumagot ang kampo ni Ampiloquio. May operasyon sila para itatwa si Guanzon. Mukhang ginagamit ang ilang tao upang palabasin na lumampas si Guanzon sa itinatakda na pamantayan sa isang disenteng manananggol. Ipinalalabas nila na lumabag si Guanzon sa atas ng kanilang professional ethics. Hinahaluan nila ng pagdududa ang ginawa ni Guanzon. Gusto nilang palabasin na biktima sila ni Guanzon. Mga basag ang kanilang pula. Walang matwid sa katotohanan. Isa lang ang kanilang problema: Sino ang maniniwala sa kanila?
***
HINDI diyan nagtatapos ang kwento. Noong weekend, nagpalabas ng balita na may nagtangka sa buhay ni BBM. Ipinaskel ang tangka na parang laro ng basketball sa barangay sa isang social media platform – Tiktok. Hindi matapos-tapos ang katatawanan dahil pinatulan at sineryoso ito ng DoJ ni Menardo Guevarra.
Sino ang luko-luko na ipinapaskil sa Tiktok kung totoong paslangin si BBM? Kung totoo, hindi kailangan malaman ito ng publiko. Basta patayin na lang siya ng walang salitaan. Basag rin ang pula ng mga naniniwala sa kagaguhan na ito. Totoong walang katapusan ang kagaguhan sa mundo. “You have to be a special kind of stupid to consider TikTok as [source of] news,” ani Mackoy Villaroman, netizen at kolumnista ng pahayagang ito.
***
NAPULOT ko lang ito pero totoo. “Paulit-ulit na lang tayo sa argument ninyo na ‘hawak ng mga Aquino si Leni Robredo.’ Sinabi na ngang wala na sina Ninoy, Cory at Noynoy. Si Kris na nga lang ang natitira na prominent. Plus Josh and Bimby. So hawak nina Josh and Bimby ang Robredo?! Wag kang ano diyan.”
May katwiran si Guanzon na tawaging “lampang abugado” ang manananggol ni BBM. May Lakas na loob na tawagin ang sarili na election expert ang abogado gayong hindi naman dumadalo sa public hearing ng Comelec, ayon kay Guanzon. Dating estudyante ni Guanzon ang manananggol sa law school Dalawang beses ibinagsak ni Guazon dahil hindi magaling.
***
MGA PILING SALITA: “Kaaway ang tingin ko sa China. Kinamkam ang ating teritoryo at kinuha ang ating yaman-dagat. Kaaway ko ang kakampi ng China.” – PL, netizen
“Simple ang ginawa ni Comm. Guanzon. Nang di makapagdesisyon ang 2 kasama, iniharap sa bayan ang isyu. Huling hukuman ang bayan.” – PL, netizen