Advertisers
NAGPAHAYAG ng suporta at pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kapwa mambabatas sa pagtutulak na maipasa ang Senate Bill No. 2420 na kikilalanin bilang Marawi Siege Victims Compensation Act dahil malaki ang maitutulong nito sa mga biktima ng 2017 Marawi siege para muling buuin ang kanilang buhay.
Noong Enero 26, inaprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang co-authored ni Go na nagbibigay ng kompensasyon o reparation sa mga internally-displaced persons (IDPs) na ang mga bahay o ari-arian ay lubhang nasira bilang resulta ng lokal na labanan sa pagitan ng militar at mga teroristang grupo sa Marawi City.
“Maraming salamat po sa aking mga kapwa senador sa pag-suporta sa Marawi Compensation Bill. Marami pa po sa ating mga kapatid doon ang hindi pa lubusang nakababangon kaya naman po malaking tulong po ito sa kanila,” ayon kay Go.
“Marahil ito po ay long overdue na pero sinisikap naming maipasa ito para sa ating mga kababayan diyan sa Marawi. Sana ay maibigay na rin po namin sa inyo itong tulong na para sa inyo para makaahon kayo,” saad niya.
Dahil 98% ng populasyon ng Marawi City, gayundin ang iba pa sa mga kalapit na munisipyo, ay nawalan ng tirahan sa bakbakan, nangako rin si Go na mananatili siyang matatag sa pagsuporta sa iba pang hakbang ng gobyerno upang higit pang matulungan ang mga biktima at matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga IDP.
Kinilala ng senador ang mga sakripisyo at katapangan ng mga mamamayan ng Marawi City at tiniyak sa kanila na ang gobyerno ay patuloy na nagsusumikap para mapanatili ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
“Importante sa amin ni Pangulong Duterte ang kapayapaan, lalo na sa Mindanao. Wala na po dapat na patayan. Sino ba namang gustong magpatayan ang Pilipino laban sa kapwa Pilipino? Masakit ‘yon,” ani Go.
“Ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa pagkamit ng napapanatiling kapayapaan at kaunlaran sa buong bansa ay dapat na patuloy na ituloy,” dagdag niya.
Umapela si Go na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang matugunan ang mga kawalang-katarungang ginawa ng mga terorista sa ating mga kapatid sa Marawi City.
Sa huli, tiniyak ni Go na nananatiling nakatutok ang gobyerno sa pagtugon sa mga banta ng terorismo sa buong bansa.
Nabanggit din niya na ang patuloy na pagsisikap ay ginagawa upang matiyak na ang mga oportunidad sa ekonomiya ay ibinibigay lalo na sa Mindanao upang matugunan ang isa sa mga ugat ng mga lokal na tunggalian – ang kahirapan.