Advertisers
HINILING ng Games and Amusements Board (GAB) sa World Boxing Association (WBA) na magkaroon ng ‘urgent constructive dialogue’ upang talakayin at maresolba ang mga isyu na kinasangkutan at nakaapekto sa career at kabuhayan ng mga Pinoy fighters.
Sa isang liham kay WBA president Gilberto Jesus Mendoza na may petsang Enero 22, 2022, sinabi ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na ang serye ng mga hindi magandang pangyayari ay direktang nakaapekto hindi lamang sa propesyon ng mga Pinoy boxers, bagkus maging sa kanilang pinagkakakitaan.
“This is in reference to various issues, involving WBA fights, that have affected the Philippine boxing industry, in which, through this letter, we called the very attention of WBA for urgent constructive dialogue with us, the local boxing commission in the Philippines – The Games and Amusements Board (GAB),” pahayag sa sulat ng GAB na pirmado ni Mitra at copy furnished ang mga WBA officials. Kabilang si Carlos Chavez, ang WBA Championship Committee Chairman.
Inilahad sa liham ni Mitra na ang Filipino boxer na si Vic Saludar ay nabigong maidepensa ang WBA Minimumweight title laban kay Erick Rosa ng Dominican Republic noong Disyembre 21 sa isang kontrobersyal na paraan dahil walang neutral na judge na itinalaga at lahat ng tatlong judge sa laban ay mula sa host country. Ang resulta ay isang split decision.
Sa naturang laban sa Round 9, malinaw na hinila pababa ni Rosa si Saludar ngunit tumawag ng knockdown si referee Guillermo Pineda laban sa Filipino fighter kaya naapektuhan ang scorecard, ani GAB. Mas malala pa, nabigo ang promoter na bayaran si Saludar ng kanyang buong premyo na US$35,000 gaya ng nakasaad sa kontrata pagkatapos ng laban. Ang insidente ay kalakip sa liham ng GAB.
Isang parehas na kaganapan ang nangyari noong nakaraang 2019 nang matalo rin ang Pinoy boxer na si Arar Andales sa isang kontrobersyal na desisyon nang ang isang lehitimong suntok laban kay Thai Niyomtrong ay idineklara bilang isang ‘aksidenteng suntok’ na nagresulta sa pag-iskor ng mga hurado pabor sa Thai fighter
Gayundin, hiniling ni Mitra ang agarang tugon sa liham na ipinadala niya sa dalawang magkahiwalay na petsa noong nakaraang taon sa WBA na kumukuwestiyon sa desisyon sa pagbawi kay Manny Pacquiao ng kanyang Super Champion belt ‘due to inactivity’.
Nakuha ng eight-division world champion ang titulo noong Hulyo 2019 bago tumama ang COVID-19 pandemic sa mundo na nagresulta sa pagsususpinde ng mga aktibidad at programa kabilang ang sports.(Danny Simon)