Advertisers
HINDI maitatatwa na nagdulot ng mabilisang pakikipag-ugnayan ng bawat mamamayan sa buong mundo ang pagpasok ng computer o personal computer, internet, at cyberworld sa ating henerasyon.
Dati-rati, ang mainstream media ang pangunahing pinagkukunan ng mga impormasyon na kinabibilangan ng diyaryo, telebisyon at radyo.
Ngunit nang pumasok ang social media at internet, aba’y mabilis na nagbago ang kalakaran sa impormasyon.
Naging mabilis at personal habang napapadali ang ugnayan ng bawat isa sa mga gumagamit nito.
Nariyan na kasi ang mga website, emails, socmed tulad ng Facebook, Instagram, Tiktok, Youtube, Twitter at iba pa.
May mga nagsasabi naman na ang mga balitang nakikita rito ay hindi raw makatotohanang paglalahad ng mga impormasyon dahil kulang sa tinatawag na elemento sa pamamahayag o journalism.
Hindi nga rin mapapasubalian na ang mga impormasyong mababasa sa socmed ay talagang mas malawak.
Totoong mas madaling maabot ang target na populasyon.
Bunsod nga ng mabilis na pagbabago sa teknolohiyang impormasyon sa ating lipunan ngayon, sinasabing malapit na raw mabura sa mundo ang radyo at iba pang media.
Gayunman, pinatunayan ng bagong bukas na himpilan ng radyo sa Calbayog City, Samar na hindi pa rin nalalaos ang radio industry sa Pilipinas.
Dinumog kasi ng kanilang mga tagapakinig ang unang anibersaryo ng Infinite Radio 92.1 MHz.
Tinatayang 300 katao na pawang avid listeners ng Infinite ang dumagsa sa Joggers covered court sa Brgy. East Awang, nitong Biyernes, Pebrero 4, 2022, para dumalo sa selebrasyon.
Kanya-kayang bitbit naman ng mga napanalunan sa pa-raffle ang mga dumalo sa event matapos ang isinagawang motorcade.
“I guess you just need to offer a good and quality programming that is relevant to listening public so that they will listen and support your station in a regular basis, and off course you must be consistent with it,” sabi ni Ricky Brozas, station Manager ng istasyon.
Isang local radio station ang IR Calbayog na pinagkalooban ng provisional authority ng National Telecommunications Commission (NTC) na mag-operate ng 1,000 watts Effective Radiating Power(ERF) sa lungsod.
“Ang kagandahan sa Infinite Radio ay locally produced ang mga programa namin, we decide on what programs we need to air to be able to catch the audiences from all walks of life,” pahayag ni Brozas.
“At siyempre dapat multi-media ang approach mo para ‘yung millennials eh nasasaklawan din ng iyong serbisyo, at dahil on-the-go na ang tao ngayon, ibig sabihin, anywhere they are, anytime they wanted to consume an information eh pwede ka nila panoorin o balikan ang programa mo using their cellphones.”
Si Brozas, na siyang nag-konsepto ng mga programa sa IR Calbayog at siyang sole proprietor ng himpilan, ay dating News Anchor/Reporter ng Inquirer TV at Radyo Inquirer sa Maynila.
“Malaking tulong na nakapagtrabaho ako in a national media kasi dala-dala ko ang karanasan ko at mga natutunan ko sa halos dalawang dekada sa propesyon na ito, in fact, nagpapasalamat ako sa Inquirer na talagang humubog sa kakayahan ko bilang isang mamamahayag,” masayang wika ni Brozas.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Samar 1st District Representative Edgar Mary Sarmiento, City Councilor Charlie Coñejos, Board Member aspirant Edward Clemens, dating Spark Samar executive Rex Daguman at Jormac Tan.
Kasabay naman ng unang taong anibersaryo ng IR Calbayog, pinasinayaan din ang kanilang bagong studios at offices sa 4th floor ng Acaso Building sa Brgy. Payahan.
Wishing you all the best, Boss Ricky, and congrats on your well-deserved success!
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!