Advertisers
Magsasagawa ng pinakamalaking proclamation rally ang BBM-Sara UniTeam sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan, Martes (Feb. 8) kung saan ito ang unang salbo ng opisyal na kampanya para sa national candidates at inaasahan itong dadaluhan ng mahigit sa 25,000 taga-suporta.
Sesentro ang okasyon sa proklamasyon nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at kanyang katambal na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Sentro rin ng proclamation rally ang pagpapakilala sa senatorial slate ng UniTeam na sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Sherwin Gatchalian, House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Atty. Larry Gadon, House Deputy Speaker Loren Legarda, dating senator Jinggoy Estrada, dating Public Works Secretary Mark Villar, dating presidential spokesperson Harry Roque, dating Defense Sec. Gilbert Teodoro, dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, at dating senator Gringo Honasan.
Inaasahan din ang pormal na pagpapakilala sa mga lokal na kandidato sa ilalim ng partido ni BBM-Sara.
Kabilang si Manila Mayoralty candidate Atty. Alex Lopez at 500 delegado ng Maynila ang dadalo sa naturang okasyon na nasa ilalim ng Marcos-Duterte slate.
Ayon sa mga event organizer ng UniTeam, ang mga fully vaccinated lamang ang papayagang makapasok habang mahigpit pa rin ipatutupad ang mga health protocol.
At dahil nga tinatayang mahigit 25,000 taga-suporta lamang ang papayagang dumalo, magsasagawa na lamang ng live streaming o maglalagay ng mga projectors sa mga barangay nang mapanood ang nasabing malaking proclamation rally. At para na rin iwas Covid-19
Ilang political analyst na ang nagsabi na ang tambalang Marcos-Duterte ang team to beat sa May 2022 base na rin sa ipinakikitang suporta ng publiko at mga resulta ng mga respetadong survey company na nananatiling pinangungunahan ng UniTeam.
Samantala, hindi pa maliwanag sa kasalukuyan kung iiindorso ng Iglesia ni Cristo (Church of Christ) sina Marcos at Duterte-Carpio para presidente at bise presidente o ang lahat ng kanyang mga kapartido sa national at maging sa lokal.
Pero may ilan ang nagsasabi na posibleng mangyari ito dahil pag-aari ng INC ang Philippine Arena, ang pinakamalaking indoor coliseum sa Pilipinas.
Inaasahan ni Atty. Lopez na isa siya sa itataas ang kamay ng INC para sa mayoral race sa Maynila.