Advertisers
NAIBSAN ang kalungkutan nang haluan ng kasiyahan ang dalawang vaccination sites para sa mga batang mayroong edad 5 hanggang 11 kung saan ginawang Zafari at Toy Carnival ang tema nito na sinimulan kahapon sa lungsod ng Las Pinas.
Ayon kay Mayor Imelda Aguilar, target ng pamahalaang lokal ng Las Pinas na mabakunahan ang 1,500 bata kada araw mula sa inilatag na vaccination sites sa SM Center na may temang Zafari samantalang sa The Tent naman ay Toy Carnival-inspired theme.
Ang inilagay na mga dekorasyon na sadyang makulay ang nagpagaan sa kalooban ng mga batang nakapila na nalulungkot at kinakabahan habang naghihintay na maturukan o mabakunahan kontra sa Covid-19.
Sinabi pa ni Aguilar na mayroon ding film showing para sa mga bata upang malaman ng mga ito ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa nasabing virus at naghanda rin sila ng cartoons show para hindi mainip ang mga bata.
Lalong umapaw ang kaligayan ng mga bata nang bigyan ang mga ito ng coloring materials at bags of candies sa SM Center habang balloons at cotton candies ang ipinamahagi naman sa The Tent. Inaasahan na aabot sa 2,000 bata ang mababakunahan araw-araw.
Samantala, personal namang tinutukan ni Vice-Mayor April Aguilar ang mga aktibidad sa mga vaccination sites kung saan pinuri nito ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH) na sina Dr. Aleli Grace Sudiacal, Asst. Regional Director at Dr. Ara Jurao, Infectious Diseases Cluster Head, dahil sa kalinisan at kaayusan ng nasabing lugar.
Ayon sa bise-alkalde, simula nang buksan ang online registration ng “Bakunahan sa Kabataan” program noong Enero 29 ay nakapagtala ang City Health Office (CHO) ng kabuuang 11,246 registrants nitong Pebrero 7 mula sa mahigit 79,000 populasyon nito.
Idinagdag pa nito na kapag tumaas ang bilang nang nagparehistro ay agad na magdaragdag ng panibagong vaccination sites ang lokal na pamahalaan.(JOJO SADIWA)