Advertisers
OKTUBRE ng nakaraang taon nagsimula ang pagpapakilala ng mga kandidatong humihingi ng basbas ni Mang Juan upang mamunini sa kaban ng bayan? Wala pa ang takdang panahon ng pangangampanya, kaliwa’t kanan na ang ikot sa bansa upang ipabatid sa madla na tatakbo sa posisyon sa pamahalaan. Dahil hindi pa sakop ng election period ang pag-iikot, maingat ang mga politiko sa pagsasabi ng salitang iboto. Puro pagpapabatid ang tema ng pag-iikot subalit lingid sa bayan ang pwestong nais at alam ni Mang Juan na ito’y pangangampanya upang makuha ang basbas na nais.
Wala pa ang takdang panahon sa opisyal na kampanya, hindi makatakbo ang metro ng COMELEC upang masabi na labis ang halagang tinustos sa kampanya ng ilang kandidato kontra sa itinakda. Sa kung magkano ang gastos ng mga tumatakbo’y batid ni Mang Juan na hindi na magkandaugaga ang mga ito lalo sa pambansang pwesto. Nariyan na pinapasok ang lugar kung saan malakas ang napipisil na kalaban upang maka amot ng kahit konti sa mga lugar na balwarte ng matalik na kalaban.
Sa ilang kaganapan, makikita ang lakas ng makinarya ng kandidato na may karay-karay na armored vehicle sa pagtungo sa lugar ng malakas na kalaban na parang ibig ipakita kung sino dapat suportahan o iboto sa halalan. Hindi masasabing may paglabag sa pagpapadala ng APC, ngunit masakit sa mata at panlasa ni Mang Juan. At itinago pa sa pagbibigay seguridad sa isang tao na malapit sa puno ng Balite ng Malacanan. O baka ang seguridad ay mahalaga sa pwestong tangan ng mga nakauniporme sa lugar.
Sa totoo lang kailangang magpakita ng pwersa ang mga kandidato saan mang bahagi ng bansa upang mahikayat ang mga lokal na politiko at manghahalal kung saan dapat pumanig. Ngunit ang magpakita ng lakas military ang pinaka masagwang nangyari sa kasalukuyang pagpapakilala, lalo’t alam na balwarte ng abalang pangulo. Hindi nag-isip si Boy Pektos at si Inday Sapak ng hayaan tumakbo ang APC kasama ng kanilang mga sasakyang nagkakaravan. Ang nakita’y hindi kandidato sa halip ang mapaniil na pamunuan kung ito ang mahahalal.
Tila kapos ang pang-unawa nito sa estado ng pamayanan na pinuntahan. Malinaw na maliit ang lugar na pinamumunuan nito na ang pananakot ang gamit na paraan upang pasunurin ang mga nasasakupan. Hindi uso at hindi kailangan ang konsultasyong sa lugar na binisita, sa halip ang sumunod sa kagustuhan nito dapat. At hindi ito lingid kay Mang Juan, ang karanasang pinagdaanan na nakita ng mata at nadama ng puso ang siyang batayan sa pagpapasya. Ang nakitang pagkilos ni Boy Pektos at Inday Sapak ay sapat na upang sabihin na nakuha nito ang ngit-ngit ng mga Uragon sa halip ang botong layon ng pagdayo. Sayang ang panahon ng pagpunta at nauwi sa wala…
Sa mga susunod na araw, opisyal ng magpapakilala ang mga tumatakbo sa iba’t ibang pambansang pwesto’y mula sa panguluhan, bise presidente at maging sa senado na tatakbo sa kani-kanilang partido. Sa pagkakataong ito, magsisimulang magmamasid ng COMELEC sa bawat partido sa kaganapan sa kanilang pangangampanya. At dapat parusahan ang lumabag sa patakaran ng walang kinikilingan, maasahan ba ito?
Sa pagkakataon na mag-iikot ang alipores ng mga politiko sa lugar upang mangampanya, Mang Juan talasan ang pakiramdam kung ang gamit na dala’y sa pamahalaan at ang itinatakbo’y sa interes ng politikong dala. Hindi kailangang tumigil ang serbisyo publiko, subalit huwag gamitin ang ano mang meron ang pamahalaan para itaguyod ang nais ng nasa itaas ng pamahalaan. Iwasan na magamit ng tuwiran ang mga tauhan ng pamahalaan lalo’t sa nagpapakita ng pagkiling sa kandidatura ng politikong napipisil. Huwag magbulag-bulagan ang COMELEC sa magaganap sa baba lalo’t nagagamit ang kabang bayan. Hindi dapat maulit ang naganap sa bayan ng mga Uragon lalo sa opisyal na panahon ng kampanyahan.
Sa haba ng pormal na kampanyahan, mapalad si Mang Juan sa media personality/ies na nagbigay daan upang makilala ang mga kumakandidato sa mataas na pwesto sa pamahalaan. Sa mga tanong ng plata porma de gobyerno sakaling palarin ay nakamulat sa marami sa ating mga Pilipino na mamimili ng mananalo. Nagkaroon ng ideya si Mang Juan sa mga tumatakbong kandidato at sa mga dala programa na dapat umabot sa kanya. Sa pagsagot ng mga ito sa mga tanong, nasuri, natimbang at napaghahambing nito kung sino ang karapat dapat na bigyan ng basbas sa pwestong layon. Isang magandang pagmumulat para sa manghahalal. At nasilip ni Mang Juan na sa halalan ang kandidatong gipit na ang nais ang magserbisyo sa bayan ay ‘di makakasabay sa malalim ang lukbutan. Mahaba ang panahon ng kampanya, ang meron at malalim ang lukbutan ang kayang mag-ikot at magpabatid ng programa para sa bayan, patay kang Leody ka may magandang programa ngunit walang pera para sa kampanya.
Sa ngayon kabi-kabila ang naganap o nagaganap na proklamasyon ng mga nagnanais na mahalal sa pwesto. Sa kani-kanilang lugar na sa tingin nilang balwarte at nakasisiguro ang kalamangan sa mga katunggali sa halalan. Sa lalim ng lukbutan, dami ng bayarang tauhan, dami ng bayarang hakot na dadalo sa proklamasyon tila rock star ang dating na nakakasiguro ng panalo sa halalan. Dahil sa dami ng hakot na tao, walang lugar ang kapaguran sa mga politiko dahil kailangang ipakita ang masiglang simula upang maenganyo’t mahalal.
Ang araw ng proklamasyon ang unang araw ng halalan na nagkakaroon ng pagpili na kung sino ang nakursunadahan sa halalan. Gumagalaw na ang mga tauhan ng politiko upang ligawan ang mga kaibigan. Ligawan kung sinong manghahalal ang hindi panig, at dito nagaganap ang sulutan kung sino ang ibobotong politiko. Ang kagandahan nito, na pagtatalastasan ng mga manghahalal ang mga kalidad ng mga tumatakbo sa lenguahe na kanilang nauunawaan. Ang palitan ng kuro-kurong ‘di pormal ang madalas na dahilan ng pagpapalit isip ng ilan. Sa pangyayaring ito, masasabing simula na ng halalan.
Hindi na magpatumpik ang mga alipores ng mga politiko na nag-ikot’ sa pamayanan na sumusulot sa mga manghahalal na nasa kabilang panig o walang pinipili. Ang pag bahay-bahay sinisimulan sa pagdalaw sa mga pamilyang malaki ang bilang ng botante. Nakakapagod, magastos ngunit masaya ang pangangampanya lalo’t may batuhan ng biruan habang nag-iikot para ipakilala ang bitbit na politiko. At simula ngayon, maraming pag-iikot ang makikita sa pamayanan bitbit ang polyeto ng mga politiko. At sa huling bahagi ng panahon ng kampanya ang Meeting de Abanse kung saan nakikita at nasusukat kung dumami o nabawasan ang taga sunod ng mga kandidato. Sa ngayon, hayaan ng mag-ikot at gumawa ng iba’t- ibang gimik dahil simula na ng kampanya. Maging ligtas sa lahat ang kaganapang ito.
Maraming Salamat po!!!