Advertisers
HABANG umaarangkada na ang kampanya para sa mga pambansang posisyon, umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kandidato, kanilang mga tagasuporta at sa publiko na magsikap para sa isang mapayapa, malinis at kapani-paniwalang pambansa at lokal na halalan.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangang itaguyod ang kabanalan ng balota habang hinikayat ang mga Pilipino na aktibong lumahok sa demokratikong proseso at iulat ang anumang insidente ng karahasan, pandaraya at iba pang paglabag sa election code.
“Bilang mga mamamayan, ang pinakamalaking responsibilidad natin ay gamitin ang ating karapatang bumoto. Kapag tayo ay bumoto, binibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga sarili na marinig ang ating mga boses sa pamamagitan ng pagpili ng mga pinuno na hindi lamang katulad ng ating mga mithiin kundi magpapaangat din sa buhay ng ating mga tao at isakatuparan ang ating mga mithiin para sa ating bayan,” sabi ng mambabatas.
Sinabi ni Go sa mga botante na piliin nang matalino ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang karakter, platform at track record.
Bilang senador at dating Special Assistant to the President, binanggit niya ang napakalaking hirap sa pagiging isang pampublikong lingkod na nangangailangan ng lakas ng pagkatao, propesyonalismo at walang tigil na pagsusumikap.
“Ating alalahanin na dapat nating iboto ang mga pinunong hindi lamang makapagbubuklod sa bayan kundi ‘yung tutupad din sa kanilang mga pangako. Dahil dito, dapat nating suriing mabuti ang kanilang pagkatao, ang kanilang mga priyoridad pati na rin ang kanilang intensyon kung bakit nila gustong maging susunod na mga pinuno ng ating bansa,” patuloy ni Go.
Aniya, ang nakataya dito ay hindi lamang ang ating pagbangon mula sa pandemya ng COVID-19 kundi pati na rin ang kinabukasan ng ating bansa at ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Pinuri ng senador si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mabilis at mapagpasyang aksyon sa panahon ng krisis.
Ang Pangulo, aniya ay matagumpay na naglatag ng matatag na pundasyon para sa hinaharap sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Universal Health Care Act na naglalayong igarantiya ang pangangalaga sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng single-payer healthcare system.
Nilagdaan din niya ang Malasakit Centers Act, na pangunahing iniakda at itinataguyod ni Go sa Senado. Nakatulong na ito sa tinatayang tatlong milyong mahihirap na pasyente na nangangailangan ng maginhawang access sa mga programa ng tulong medikal ng gobyerno.
Bukod dito, sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang Pilipinas ay pumasok sa isang ginintuang panahon sa pagbuo ng imprastraktura sa pamamagitan ng mga hakbangin sa reporma tulad ng programang ‘Build, Build, Build’.
Milyun-milyong trabaho ang nalikha at bumuti ang ekonomiya dahil sa matatapang na patakaran tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na tumulong na matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng kita para pondohan ang malalaking pamumuhunan, at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na binawasan ang corporate income taxes para sa micro, small at medium enterprises.
“Sa lahat ng maraming kapaki-pakinabang na proyekto, programa at inisyatiba na isinagawa ni Pangulong Duterte, mahalagang pumili tayo ng kahalili na bubuo sa kanyang mga natamo at hindi sisira sa mga ito,” ani Go.