Advertisers

Advertisers

Milyun-milyong Pinoy, natuwa sa pagkakabasura ng disqualification cases vs. Marcos

0 485

Advertisers

HINDI maitatatwa na talagang ikinatuwa ng milyun-milyong mga taga-suporta ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang ginawang pagbasura ng unang dibisyon ng Commission on Election (Comelec) sa huling tatlong disqualification cases laban sa dating senador.

Tama si Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni BBM, nang sabihin niya na nangibabaw ang ‘rule of law’ sa naging desisyon ng Comelec na labis na ipinagpapasalamat ng mga BBM supporters.

Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan ang kampo ni Marcos dahil wala na nga namang balakid sa kandidatura ng kanilang pambato na milya-milya ang lamang sa kanyang mga katunggali sa iba’t ibang surveys.



Ang resolusyon ay pinonente o sinulat ni Commissioner Aimee Ferolino at kinatigan naman ni Commissioner Marlon Casquejo.

Walang nakitang merito ang poll body sa mga natitirang petisyon laban sa presidential candidate.

Sinasabing upang maalis ang ilang pagdududa, binanggit ng Comelec ang pronouncement ng Supreme Court sa kaso ng Republic of the Philippines vs. Ferdinand R. Marcos II & Imelda R. Marcos kung saan idineklara ng high tribunal na ang kabiguang maghain ng ITR o income tax return ay hindi ‘crime of moral turpitude’.

Malinaw daw na ang sentensya kay Marcos kung saan pinatawan ito ng multa ay hindi saklaw ng anumang instances para sa disqualification sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code (OEC).

Wala raw kinalaman o immaterial kung susuriin pa kung nagbayad o hindi ng multa o penalties si Marcos sa RTC o Regional Trial Court ng Quezon City dahil ang kanyang sentensya ay hindi nga raw sakop ng Section 12 ng EOC.



Kabilang sa mga naghain ng petisyon laban kay Marcos ang grupo nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangelen, at Akbayan.

Kung maaalala, ibinasura rin ng ikalawang dibisyon ng Comelec ang mga petisyon nina Fr. Christian Buenafe, Fides Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland Vibal at Josephine Lascano na kapwa nag-akusa ng ilang false representations sa kandidatura o Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.

Maaari pang umakyat o umapela sa Comelec en banc ang mga petitioners pero dahil kakaunti na lang ang mga commissioners na natira sa ahensya [nagretiro na ang mga senior officials] ay tiyak na mababasura lamang ang mga ito.

Well, hindi lamang ang kampo ni Marcos ang nakakapansin kundi ang kanilang mga supporters at ilang legal experts na tila sinadyang iligaw ng mga petitioners ang poll body sa pamamagitan ng pagtukoy daw ng mga maling probisyon ng batas.

Kailanman ay hindi nagsalita ng masama ang panig ni BBM laban sa kanilang mga kritiko at sa mga kumokontra sa kanyang kandidatura.

Higit kailanman, ayon sa kampo ni Marcos, ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa bansa para sa malinis at maayos na halalan sa Mayo 9, 2022.

Panawagan nga ng BBM-Sara Uniteam, tama na ang away, bangayan, at sama-sama nating harapin ang bukas na may taglay na pag-asa at pagkakaisa.

Isa pa, dahil sa pagkakabasura ng huling batch ng DQ cases laban kay Marcos, aba’y magandang pagkakataon din ito sa kampo ni Vice President Leni Robredo na patunayan sa darating na eleksiyon na mas sakalam siya kumpara kay BBM.

Sa palagay ko, mas maiging kontrahin din ni VP Leni ang anumang posibleng pagtatangka na i-akyat sa kataas-taasang hukuman ang usapin o petisyon laban kay Marcos at nang hindi naman siya mapaghinalaan na may kinalaman siya rito.

Hindi po ba, mga giliw naming mambabasa?

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!