Advertisers

Advertisers

PHL VIP, CDC VS VIRUS IGINIIT NI BONG GO

0 407

Advertisers

HABANG patuloy na nakaaapekto ang pandemya ng COVID-19 sa buhay ng milyun-milyong Pilipino, muling iginiit ni Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa ng dalawang panukalang batas na tutulong sa bansa para mas mapaghandaan ang mga emergency sa kalusugan ng publiko.

Sinabi naman ni Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Orville Ballitoc na sinusuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasa ng mga panukalang magtatatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) at Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).

Nauna na itong binanggit ng Pangulo sa kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address noong Hulyo 26, 2021.



Ayon kay Sen. Go, hindi pa man nagaganap ang pandemya ay patuloy na naghahanap ang Pangulo ng mga paraan upang itulak ang isang mas proactive na diskarte sa pagtugon sa anumang uri ng mga emerhensiya sa kalusugan ng publiko.

“Sa bawat oras na nagkulang tayo sa paghahanda, maaaring buhay ang kapalit. Kaya naman dapat one-step ahead tayo. Hindi natin masasabi kung kailan dadating ang susunod na pandemya kaya mabuti na maging proactive tayo,” idiniin ni Go.

Ang mambabatas ang may-akda ng Senate Bill No. 2155 na naglalayong lumikha ng isang national virology laboratory na mag-aaral at mag-iimbestiga sa mga viral disease sa bansa.

Ang pangkalahatang layunin ng VIP ay tumulong sa pagbuo ng mga bakuna laban sa mga lumalabas na virus na lubhang pathogenic.

Ang panukalang batas, higit sa lahat, ay nagbibigay ng mga alituntunin para sa pagtatatag at pagpapatakbo ng pagsubok, sanggunian at biosafety na antas 1, 2, 3 at 4 na mga laboratoryo ng pananaliksik. Binibigyan din nito ang VIP ng awtoridad na i-regulate ang operasyon ng umiiral na virology laboratory network sa bansa.



Bukod sa SBN 2155, itinulak din ng senador na maipasa ang SBN 2505 na bubuo sa Philippine CDC. Ang panukalang batas ay ang pinagsama-samang bersyon ng isang naunang panukala na kanyang iniakda at inihain noong Mayo 2021.

Ang iminungkahing Center ay pangunahing responsable sa pagprotekta sa mga Pilipino mula sa mga banta sa kalusugan, kapwa dayuhan at lokal.

Upang maisakatuparan ito, ang CDC ay tutuklas at tutugon sa mga bago at umuusbong na mga banta sa kalusugan, magsasagawa ng siyentipikong pananaliksik, at magpapadala ng kritikal na impormasyon sa kalusugan sa publiko.

Ang panukalang batas ay nagtatatag din ng apat na sub center na magsasagawa ng mga tungkulin ng CDC, katulad, (1) Center for Health Statistics, (2) Center for Surveillance and Epidemiology, (3) Center for Health Evidence, at (4) Center for Reference Laboratories.

Magsisilbi ang CDC na isang ahensya sa loob ng DOH na pamumunuan ng director general na may ranggong Undersecretary at ng deputy director general. Sa panahon ng state of public health emergency, lahat ng health personnel, kabilang ang mga nagtatrabaho sa local government units, ay direktang mag-uulat sa center.

Kasalukuyang nakabinbin ang SBN 2155 (VIP) sa Committee on Science and Technology na pinamumunuan ni Sen. Nancy Binay habang nakatakdang sumalang sa plenary deliberations ang SBN 2505 (Ph CDC).