Advertisers

Advertisers

Mga kritiko ni Toni Gonzaga, inggit ang ipinaiiral

0 259

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sinabi ni Jesus, `Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?’…” (Juan 11:40, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

MGA PANGIT NA UGALI NG MGA PILIPINONG MAINGGITIN SA MAGANDANG KAPALARAN NG KANILANG KAPWA, NAKIKITA NA NAMAN SA PAMBABATIKOS KAY TONI GONZAGA; Muli na namang lumitaw ang isang pangit na kaugalian ng mga Pilipino, partikular ang kanilang pagiging mapanghusga ng kanilang kapwa, sa pagtayo ng singer-actress-TV host Toni Gonzaga Soriano bilang emcee o master of ceremonies sa proclamation rally ng BBM-Sara Uniteam sa Philippine Arena noong Pebrero 8, 2022.



Mula sa kaniyang mga dating kasama sa isinaradong media network na kilalang kalaban ng mga Marcoses at ng gobyernong Duterte, pati na ang mga di kilala na nagsusumikap maging “trying hard” upang makakuha ng atensiyon sa kanilang sarili, pinapaulanan nila ng maaanghang na puna at batikos si Toni Gonzaga.

Ang dahilan ng mga batikos na ito kay Toni Gonzaga? Dahil, sa kaniyang pagiging emcee sa proklamasyon ni Bongbong Marcos at Sara Duterte bilang kandidatong pangulo at pangalawang pangulo ng kani-kanilang mga partido, maliwanag na inilantad ni Toni sa lahat na suportado niya ang pagiging pangulo ni Bongbong at bise presidente ni Sara.

Lumilitaw na inggit at pag-iimbot lamang ang dahilan ng mga puna at batikos kay Toni, ayon sa mga news analysts, lalo na yung mula sa Filipino think-tank group na Dimensions and Solutions, Inc. o DSI.

Ang unang dahilan ng pagka-inggit ng mga bashers ni Toni ay ang katotohanang pinagkatiwalaan siya ni Bongbong Marcos at Sara Duterte sa sensitibong gawain ng pagiging emcee ng nasabing proclamation rally ng BBM-Sara Uniteam sa Philippine Arena.

-ooo-



MASAMANG INGGIT AT PAG-IIMBOT, DAHILAN NG MGA PUNA AT BATIKOS KAY TONI GONZAGA: Sa totoo lang, hindi na lamang ang halos 35,000 katao na sumugod sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan, kundi ng milyon-milyong mga Pilipino at mga dayuhan na nanood sa pamamagitan ng live streaming sa social media ang nakasaksi sa ginawa ni Toni.

Isang malaking pribilehiyo ang pagtitiwalang ipinagkaloob nina Bongbong Marcos at Sara Duterte kay Toni Gonzaga, lalo na at iisiping matagal naglingkod si Toni sa media network na ang mga may-ari ay kalaban nga ng mga Marcos noon pang panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kumbaga, sa pagkakapili ni Toni sa proclamation rally ng BBM-Sara Uniteam, lubos ang naging tiwala nina Bongbong at Sara sa kaniyang kakayahan na maging propesiyunal sa kaniyang gawain.

Tunay naman, ayon sa mga news analysts, nagtrabaho lang naman si Toni, at hindi siya pupuwedeng pigilan sa pagtupad niya sa isang makabuluhang gawain na maglalantad pa lalo ng kaniyang kakayahan bilang performer sa mas maraming sektor sa buong mundo.

Lumilitaw din, batay sa mga naglalabasang ulat, na kinaiinggitan din ng mga kritiko ngayon ni Toni Gonzaga ang tinanggap niyang professional fee sa kaniyang ginawa noong Pebrero 08, 2022.

-ooo-

“PROTECT TONI”, PANAWAGAN NGAYON NG MARAMI SA BBM-SARA UNITEAM: Marami kasing nagsasabi na ang kabuuang naging bayad sa kaniya, kasama na ang professional fee din naman ng kaniyang asawa, si Direk Paul Soriano, ang direktor ng proclamation rally, ay hindi bababa sa P100 milyon. Walang makakakumpirma sa bagay na ito sa ngayon, pero maugong ang balita tungkol dito sa maraming social media at online media platforms.

Sinang-ayunan din ng mga supporters ni Toni Gonzaga ang naging reaksiyon niya sa mga umuulang mga batikos at puna laban sa kaniyang ginawa bilang emcee sa BBM Sara Uniteam proclamation rally.

Sa mga Twitter at Instagram posts ni Toni, binabanggit niya na hindi siya natitinag ng mga batikos at puna, at hindi niya pinahihintulutan ang mga ito na maka-apekto sa kaniyang mahusay na pagganap sa kaniyang propesyon bilang singer-actress-TV-online host, dahil alam niyang masamang inggit lang ang dahilan ng mga batikos at puna.

Ayon sa mga supporters ni Toni, naging napakaganda ng nasabing reaksiyon ng dalaga, dahil ipinakikita nito na mas mataas ang antas ng pagkatao niya kaysa sa pagkatao ng mga pumupunang kritiko.

Noon pa mang nagaganap ang proclamation, naglalabasan na din sa mga comments ng mga nanood ng live streaming nito ang mga panawagan na protektahan ng lahat ng mga nasa kampo ng BBM-Sara Uniteam si Toni at ang kaniyang asawang si Paul Soriano.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.