Advertisers

Advertisers

“Edukasyon susi sa pag-angat sa kahirapan” – Isko

0 443

Advertisers

BINIGYAN DIIN ni Manila Mayor at presidential frontrunner Isko Moreno na ang edukasyon ay susi sa pag-angat sa kahirapan. Ito ay sinabi ng 47-anyos na standard bearer ng Aksyon Demokratiko nang pangunahan niya ang groundbreaking ng panibagong pampaaralang gusali na tugon sa hamon ng makabagong panahon.

Pinasalamatan ni Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo, Congressman Edward Maceda, city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac, city architect Pepito Balmoris at division of city schools superintendent Magdalena Lim gayundin ang lahat ng city councilors sa kanilang tulong at suporta at sa pagsama sa kanya sa groundbreaking at capsule-laying activities ng soon-to-rise na Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc, Manila.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Moreno na ang ang bagong paaralan ay mag-aalok ng mas magandang pasilidad na mas naaangkop sa pag-aaral ng mga kabataan at ito ay itatayo bilang parangal sa dating Pangulong Ramon Magsaysay kung saan ang panahon ng panunungkulan bilang lider ng bansa at itinuturing na ‘golden age’ ng Pilipinas.



Si Magsaysay ay naging presidente sa edad na 46 gayunman ay nagawa niya ang kanyang tungkulin nang may mataas na lebel ng integridad at kahusayan.

Sinipi ni Moreno ang butil ng karunungan ni Magsaysay nang sabihin nito na, hindi mahalaga ang bilang ng taon sa serbisyo publiko, ang mahalaga ay kung ano ang nagawa mo sa maikling panahon bilang isang public servant.

“Ang pagsisiyasat, dapat pruweba ang basehan, kung ano ang nagawa lalo na sa panahon ng pandemya,” sabi ng alkalde.

Minsan pa ay pinasalamatan niya ang mga residente ng Maynila sa pagboto sa kanya bilang mayor at sinabing ang lahat ng kanyang nasimulan ay ipagpapatuloy ni Lacuna na tumatakbo bilang kanyang tagapagmanang alkade ng Maynila at si Servo na tumatakbo rin bilang vice mayor.

Umaasa si Moreno na ang mga Filipino sa labas ng Maynila ay ganun din ang gagawin at bibigyan siya ng pagkakataon na ipakita kung paano iboto ang isang bata at hindi tradisyunal na lider.



“Kung na-appreciate ninyo ang lahat ng naganap sa Maynila, thank you. Kung gusto ninyong matupad ang pangarap nating madala sa mga kamag-anak n’yo sa probinsiya at buong bansa ang magagandang nangyari sa Maynila, “iba naman,” sabi ni Moreno kasabay ng kanyang panawagan sa mga Manileño na kumbinsihin ang kanilang mga kamag-anak sa probinsya na iboto siya.

Ayon sa alkalde ang mga bagong developments sa bagong school buildings ay upang makasunod sa pangangailangan ng makabagong panahon at bilang paghahanda rin sa dumadaming bilang ng mga mag-aaral.

Ang R. Magsaysay High School ang ikaapat na ganitong uri ng proyekto sa lungsod. Ang tatlong iba pa ay ang Almario Elementary School, Manila Science High School at Albert Elementary School.

Ang bagong Magsaysay High School building na nasa 9,045 metro kwadradong lote ay may 3,474 metro kwadradong floor area at magtataglay ng 232 classrooms; 18 offices at faculty rooms: canteen; library; administration building; auditorium; gymnasium; play area; outdoor sports area; roof deck; eight elevator units; hallway at elevator lobby at parking spaces. (ANDI GARCIA)