Advertisers
NATULOY din pala ang pagsasampa ng kaso laban kina Paniqui, Tarlac Mayor Max Roxas, Vice-Mayor Bien Roxas at mga konsehal nito dahil sa alegasyon ng pandarambong, graft and corruption at grave misconduct?
Ayon sa isang dokumentong nakalap natin mula sa Office of the Ombudsman, inihain ito ng Paniqui Market Vendors Association.
Nag-ugat ito mga Ka Usapang HAUZ sa pagkakasunog sa pamilihang bayan ng Paniqui noong January 21, 2019 na sinasabing sinadya, ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection National Headquarters.
“The fire that gutted the public market was a case of incendiary fire or destructive arson,” ayon sa report ng BFP na ipinalabas noong April 2019.
Nakasaad din sa reklamo na ang pamahalaang bayan sa pangunguna ng ilang opisyales doon ay nagawang mangutang sa Land Bank of the Philippines ng halagang P470 milyong noong March 5, 2019 para sa pagbili ng lupa at pagpapatayo ng bagong palengke na kung saan ang lupang pagtatayuan ng palengke ay nagkakahalaga ng 124 Milyong piso.
Sinabi sa reklamo na ang halagang P124 Milyon na ipinambili sa lupang pagtatayuan ng bagong palengke ay “grossly overpriced that could have easily yielded millions in misappropriated value to the respondents.”
Ang agarang paglabas ng inisyal na P30 milyon na paunang bayad sa pagbili ng nasabing lupa noon ding March 5, 2019 ay sinasabing walang kaukulang bidding, kulang sa pag aaral at may paglabag sa Procurement Law?
Gaano kaya katotoo na natengga ang ginagawang multi-purpose gymnasium sa naturang bayan, na sinimulan noong taong 2018, kung saan gumugol umano ang pamahalaang bayan ng halagang 50 Milyon sa pagpapatayo dito na naayon sa aprobadong pondo o Approved Budget for the Contract (ABC)?
Sa halip na matapos ang nasabing proyekto sa pondong nakasaad sa ABC, nagpalabas pa umano ang munisipalidad ng karagdagang P4 Milyon sa tulong ng Local Development Council at tinawag na Phase 2 para sa nasabing proyekto nitong May 17, 2021?
Kasama rin sa umano’y inaprubahang halaga ng Local Development Council ay ang karagdagang P4.3 Milyon para sa paggawa ng access road sa ginagawang pamilihang bayan.
Ayon pa sa reklamo, “the release of additional P4 million in excess or outside of the ABC for the multi-purpose gymnasium constitutes technical malversation and grave misconduct.”
Tila mabigat ang mga paratang laban kina Mayor Roxas at kanyang mga kasama.
Sa ganang akin, napakagandang ‘venue’ ang Office of the Ombudsman upang masagot nila ito ng tama, angkop at legal.
Mahirap kasing puro sa media o social media lumalabas ang mga ganitong uri ng akusasyon.
Ngayong nasa Ombudsman na ang kaso, nasisiguro kong makapagbibigay na ng kanilang salaysay ang mga kinasuhang opisyal.
Samantala, kung nais ding magbigay ng kanyang panig ng grupo nina Roxas ay bukas po ang pitak na ito para na rin sa prinsipyo ng malayang mamamahayag.
***
Para sa inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com or mag Txt o tumawag sa 0935-2916036