Advertisers
TILA namimiligro yatang matatapos na ang pagiging POLITICIAN ng ACTOR na si QUEZON CITY DISTRICT 5 REPRESENTATIVE ALFRED VARGAS dahil tinuluyang idinemanda ito ng mga nagngingitngit niyang constituents na pinaasang magkakaroon ng lupa’t bahay.
May 500 maralitang pamilya ang nag-aakusang ginantso at pinaasa umano sila ng kongresistang kinatawan nila sa CONGRESS, kaya naman ilan sa mga ito ay nagpasya nang kasuhan ang kanilang kinatawan.
Bakit nga naman hindi.., e taong 2016 pa naman kasi nang sila’y magbayad at pinaasa sa programang “PALUPA AT PABAHAY” ni REP. VARGAS sa paniwalang sila’y magkakabahay?
Kalakip ang sandangkal na dokumento.., idinemanda ang nasabing mambabatas sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct at Act Prejudicial to the Best Interest of the Service na inihain sa OFFICE OF THE OMBUDSMAN.
Ayon kay ATTY. RHODORA CORPUZ, tumatayong abogado ng mga pamilyang nadehado, minabuti ng mga biktima na ihabla na lamang si REP. VARGAS matapos mapag-alamang pinaasa lang sila sa wala. Oo, tama… kasi, walang ganung proyekto, ayon mismo sa DEPARTMENT OF HUMAN SETTLEMENTS AND URBAN DEVELOPMENT (DHSUD) at SOCIALIZED HOUSING AND FINANCE CORPORATION (SHFC).
Maging sa datos ng QUEZON CITY GOVERNMENT.., walang nakatalang proyektong pabahay sa mga bakanteng lote sa BUENAMAR SUBDIVISION, BRGY. NOVALICHES PROPER at maging sa PALMERA HOMES, BRGY. STA. MONICA na nasasakupan ng QUEZON CITY DISTRICT 5.
Sa kanilang reklamo, siningil umano ang bawat isa sa kanila ng P10,000 hanggang P40,000 ng isang TENY ASMIRALDE na itinalagang PROGRAM-IN-CHARGE ni REP. VARGAS. Pinaninindigan ng mga biktima na may katibayan sila sa bayarang naganap mismo sa OFFICE ni VARGAS.
Tunay na nanggagalaiti nga naman ang mga nabiktima dahil pawang mahihirap ang mga ito na nagtipid sa gastusin ng kanilang pamilya para magkaroon sila ng pambayad sa pinapangarap na magkabahay.
Sadyang napakahirap itanggi ang mga nasabing akusasyon.., lalo pa’t suportado ng mga resibong patunay ng pinagbayaran nila sa naturang pekeng pabahay. Bukod sa resibong nakalimbag kasama ang SAGISAG NG KAMARA, may mga dokumento ring hayagang nagsasabing walang ganung programang pabahay ang gobyerno.