Advertisers

Advertisers

Mayor Ina napaiyak sa panunuood ng ’40 Days’

0 763

Advertisers

MABABANAAG sa mukha ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Ina Alegre ang labis na kasiyahan matapos mapanuod ang advance screening ng pelikula niyang 40 Days na idinirek ni Neil Tan at prodyus ng Comguild Productions.
Idinaos ang screening ng gymnasium ng Pola at dinaluhan ng ilang artista ng pelikula gaya nina James Blanco at Cataleya Surio, gayundin ng mga tagahanga at mga residente ng Pola.
Makikita rin sa mga nanuod ng 40 Days na naibigan nila ang pelikula na maayos na naiparating sa tao ang kaganapan ngayong pandemya at ang kahalagahan ng pamilya.
Kahanga-hanga ang husay ni Direk Neil na maikuwento nang simple at totoo ang epekto ng pandemya sa lahat lalo na yung mga nasa mababang antas ng pamumuhay.
Sinubaybayan ng movigoers ang pakikipagsapalaran sa movie ni Mayora Ina na sa loob ng 40 na araw ay nilakad mula Maynila hanggang sa kanila sa Pola upang makapiling ang ina at anak.
Bawat karakter ay binigyang buhay ni Direk Neil at maayos niyang nailahad ang istorya nang talagang hahaplos sa puso at emosyon ng bawat tagapanuod.
Sey nga ni Mayor Ina, siya man daw ay napaiyak nang mapanuod ang pelikula dahil dinamdam niya ang hirap ng pinagdaanan sa kagustuhang makauwi na sa kanila bagama’t lockdown.
Pinuri rin ni Mayora ang galing ng mga kasamahan niyang artista kasama na rin si Michelle Vito na hindi nakarating sa advance screening ng 40 Days.
Tama nga ang sinabi sa ilang entertainment press ni Direk Neil na makararamdam din umano ng pagod sa panunuood ng movie dahil mararamdaman nila ang pinagdaraanan ng karakter ni Igna (Ina).
‘Ika ni Mayora Ina, medyo nahirapan anya siya sa pag-arte dahil may katagalan na rin siyang hindi gumagawa ng pelikula kaya malaking pasalamat anya niya at nariyan naman sina Direk Neil at co-star na si James na umalalay sa kanya.
“Totoo yung pagod kahit hindi naman ako talaga 40 days naglakad. Napagod ako dahil magkasabay na trabaho sa pagiging punong bayan iyong paggawa ng pelikula. Kasabay pa iyong negosyo, sabay-sabay siya,” tsika pa ni Mayora.
Hindi rin umano maiiwasan na isipin ang magiging outcome ng pelikula at kung maiibigan daw kaya ni direk Neil ang akting niya.
Sa kabila ng kabisihan sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan sa Pola ay pinilit ni Mayora Ina na tapusin ang pelikula dahil naniniwala anya siya sa kalidad nito.
Tumatakbo para sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Pola si Ina.
Sa ngayon ay hindi pa raw tiyak kung maipalalabas commercially ang 40 Days dahil nasa pandemic pa rin ang bansa pero aayusin anya nila na unahin ang mga special screenings dito bago ibenta sa Netflix at abroad.
Suportado ang screening ng mga opisyales ng Pola gayundin ng ibang bayan ng Mindoro. Namataan din sa okasyon ang tumatakbong Vice Governor ng Mindoro na si Ejay Falcon at ang movie writer/vlogger na si Ogie Diaz. (BKC)