Advertisers

Advertisers

Dalawang mukha ng kapulisan

0 2,163

Advertisers

NASA iisang kamay ngunit magkakaiba ang mga daliri kahit ito’y napakalapit sa isa’t – isa. Tulad ng magkakapatid iisa ang pinanggalingan ngunit magkakaiba ng pag-uugali kahit magkakamukha. Mailalarawan ang pagkakapareho ng pagsusuot o mga gawain ngunit ‘di ang pag-uugali lalo’t lumaki sa magkakaibang lugar at ang pagnanais na makamit ang pangarap. Hindi makikita sa isa ang galaw ng nakararami kahit ito’y magkakamukha o nabibilang sa isang lahi.

Sa pamilya, ano mang pagsisikap ng magulang na mapabuti ang katayuan ng bawat anak ay ‘di katiyakan na magaganap lalo’t may iba – iba itong nasamahang grupo na malaki ang impluwensiya sa pag-uugali. Nariyan ang nagtagumpay at may napapariwara ng landas at madalas na ito ang sakit ng ulo ng magulang kahit isa o ilan ito sa mga nakakarami. Ang isang maling kilos o gawa ng anak o maging ng ano mang bahagi ng katawa’y sadyang dinadamdam at nagdudulot sa kabuuan ng masamang pananaw ng nakararami.

Maihahalintulad ang paglalarawan sa itaas sa kalagayan ng Philippine National Police (PNP) kung saan ang mga pinuno nito’y nagsusumikap pagandahin ang imahe ng organisasyon sa dami ng palpak na galaw ng ilang mga tauhan nito. Ang masakit ang mga masasamang gawa ng ilang mga tauhan ang madalas na nakikita o nababasa sa media at social media na nagpapababa ng pananaw ni Mang Juan sa kapulisan. Masakit sa pamunuan ng PNP ang ganitong pananaw ni Mang Juan ngunit may dahilan ang ilan lalo’t nakaranas ng masamang karanasan sa tauhan ng kapulisan. May pagkakataon na ang pakiramdam ng ilang kapulisan na sila ang batas at hindi kinakitaan ng kababaang loob. At ito ang madalas ilarawan, ang pagiging brusko sa pakikipagkapwa, na ‘di tumatanggap ng kamalian kahit batid nito na mali ang galaw na nagawa, naalala nyo ba yung namaril ng matandang babae dahil sa pagtatalo. Ang kaisipang ako ang tama at nasa dulo ng aking baril ang batas. Na siyang dahilan kung bakit maraming Pinoy ang ‘di lumalapit sa kapulisan lalo’t kayang tiisin ang pangyayari sa buhay.



Batid ni Mang Juan hindi katanggap-tanggap ng pamunuan ng PNP ang kaugaliang ito at patuloy na itinutuwid ang ilang maling asal ng mga tauhan higit sa pakikitungo sa mga sibilyan na dapat alagaan, ipagtanggol at iligtas sa anumang panahon. Ang tanong ang pagsusumikap ba ng pamunuan ng PNP’y pang press release. O sadyang may mga black sheep o scalawag na pasok sa kanang tenga at ilalabas sa kaliwang tenga ang habilin ng pamunuan sa halip na isapuso. O baka naman sa ngalan ng pagpapalapad ng papel sa mga opisyal ng pamahalaan upang makatanggap ng o ilipat ng pwesto na iibigan. O nais manatili sa pwesto na may kasaganahan sa kasalukuyang pinaglilingkuran.

Sa totoo lang dalawang mukha ang mga tauhan ng PNP, nariyan ang mga tauhan na kinalulugod ni Mang Juan dahil sa husay sa pakikipagkapwa. Hindi na kailangan sabihan at kusang nag-aalay ng serbisyo sa nangangailangan. Silipin ang kagalingan ng ilang Mamang Pulis.

Una, ang Mamang Pulis na hindi nagdalawang isip o puso na abutan ng kahit konti ang matandang may pangangailangan. Hindi nag-atubili si Mamang Pulis ng sabihan ito ng matanda na nagugutom at walang pambili ng pagkain. Kagyat itong dinala sa isang kainan at pinakain. At ng matapos tila kinumbinsi o kina-usap pa ang mga kasama at nag-ambag upang maibigay sa matandang lumapit. Nakalulugod ang ipinakitang pagmamalasakit sa kapwa ng isang alagad ng batas na madalas na kinatatakutan sa halip na nilalapitan. Nakakaantig ang ginawa ng Mamang Pulis na ito, dumami pa ang mga tulad mo sa iyong hanay.

Sa ibang kaganapan, nariyan ang Mamang Pulis na nagmamando sa checkpoint dahil sa C19, sa likod ng kapaguran kinakitaan ito ng paggalang at nakuha pang makipagbiruan sa mga motoristang dumaraan na nagpapagaan sa damdamin ng mga ito. Kakaiba ang dating ng Mamang Pulis na sa halip na nagmamadali ang mga motorista na makauwi sa bahay tumutugon ito ng tawa at parang naibigan ang dating ng Mamang Pulis. Ilan lang ito sa mga nakakatabang puso na ginagawa ng kapulisan.

Sa isang training camp, isang babaeng police trainee ang napaiyak ng kinasabwat ng nobyong pulis ang opisyal upang palabasin na nagkasala ito na dahilan upang pahirapan ang mga kasama. Piniringan ito at nagkunwari ang grupo na nahihirapan sa ginagawa. Lingid sa kaalaman ng trainee na paghahayag ang kasintahan ng ibig na nilang magpakasal sa kanya, sa madaling salita natapos ang wedding proposal. Batid ni Mang Juan na ilan lang ito sa mabubuting gawa ng kapulisan na siyang dapat na ehemplo sa nakararaming tauhan ng PNP. Ipakita ang pagiging makatao sa likod ng hirap ng inyong serbisyo kay Mang Juan.



Sa kabila ng kagandahang nabangit sa itaas ipakita natin ang kabilang larawan na ‘di mailarawan kung bakit may ilan sa hanay nito ang gumagawa ng kabulukan na siyang nagpapasama ng imahe nito. Silipin natin ang isang nakakagimbal na pangyayari kung saan ang mga kagawad ng kapulisan na may bilang na 32. Sa dami ng mga kapulisang ito, dadalawa lamang ang nakasuot ng tamang uniporme at 30’y pawang nakasibilyan. ay ginawang arestuhin ang isang nagngangalang Agnes Mesina na isang NGO Worker.

Gamit ang isang recycled Warrant of Arrest mula sa isang hukuman mula sa isang Bayan sa Davao. Hindi na ginawa ng kapulisan ang SOP na dapat alamin sa kabilang dako ng bansa kung may bisa o wala na ang arrest warrant. Ang resulta, nakuryente o palpak ang operasyon dahil matagal ng pinawalang sala ang inaresto ng isang hukuman kung saan galing ang kautusan. Ang masakit nito, nabilad ang kabuuan ng organisasyon ng PNP na gumagawa ito ng ‘di tamang pag-aresto dahil wala ng bisa ang dalang dokumento.

Ang mapusok na kilos ng PNP Cagayan Valley, at kung sino ang pasimuno ng illegal arrest na ginawa ang sumisira sa magandang imahe na pinipilit ayusin ng mga opisyal nito. Bago ang kaganapan ng pagsasagawa ng illegal arrest, napag-alaman na ang grupo ng inaresto’y nagsasagawa ng isang fact-finding mission sa lugar kung saan kumikilos ang grupo o ang NGO ni Mesina. At sa pagkakataong ito, tila may ayaw malaman ang kapulisan sa ginagawang FFM at kung ano iyon sila lang ang nakakaalam. Ang ibig ipakita dito, maging maingat ang kapulisan at pairalin ang pagiging patas sa lahat ng pagkakataon sa lahat ng Pilipino.

Huwag tayo tumingin sa nakaraan ng kung sino. Sa halip pairalin ang makataong pagpapatupad ng batas sa sino man. Ang pagpupursige ng mga nasa taas ng PNP lubhang nakakalugod na tila sinisira ng ilang hanay nito na naghahabol ng premyong promosyon. Mahirap o ‘di mailarawan ang gawa ng iilan sa nakararaming kagawad ng Mamang Kapulisan. Sa punong Mamang Pulis pairalin ang patas na pagpapatupad ng inyong batas at alisin ang bulok sa inyong hanay ng ‘di madamay ang karamihan na may mabuting kalooban.

Maraming Salamat po!!!