Advertisers
HABANG tumatagal ang sigalot sa Ukraine, tila bumabagal ang tulak ng mga puwersa ng Rusya sa loob ng Ukraine. Dalawa ang mga balakid na nakakasalubong nila. Una, ang opinyon ng international community na nagbuklod para batikusin ang Rusya sa ginawa nilang pagsakop sa isang malayang bansa. Nagkaroon ito ng ganap na kasarinlan noong 1991 nang maglaho ang dating Soviet Union at sa kalaunan napasama ang Russia sa UN. Dahil dito, maliban sa ilang bansa tulad ng Argentina at Pakistan, nag-alma ang mga kasapi nito na bumatikos, at naglabas ng mga paghihigpit o “sanctions sa mga kumpanya at kalakal na Ruso.
Pangalawa ang mamamayan ng Ukraine. Kahit walang tangan na sandata ay ipinakita nila ang pagmamahal sa bayan at sinalubong nila na parang mga putakte, ang pwersa ng mga Ruso. Bata at matanda ay nagbuklod-buklod upang lumaban. Ang iba ginamit ang sariling katawan para harangan ang mga tangke, marami ang kumalap ng mga bote at sa silong gumawa ng mga pasabog na molotov, ang iba pumila sa Red Cross at nagbigay ng dugo.
Ang daigdig ay nagmamanman at namamangha sa kabayanihan ng mga Ukrainian. Ipinakita nila sa buong daigdig na tatayo sila, kahit mag-isa, upang labanan ang panunupil sa kanila. Nawa’y kasing sidhi ng alab ng pagmamahal sa bayan ang maramdaman nating mga Pilipino. Ipinapanalangin at nagkakaisa ang sambayanan sa inyong laban. Kayo ay nagbuklod para sa katarungan. Para sa inyong Bayan. Slava Ukraini!
***
HABANG umiinit dahil sa tag-araw, umiinit din ang kampanya para sa eleksyon sa Mayo 9. Makikita natin ang mga kandidato para sa pagka-pangulo sa kanilang “sorties” sa iba’t-ibang panig ng bansa, sumusuyod, sumusuyo sa mga boto. Totoo ang kasabihan, maliban sa karahasan na paminsan-minsan magigisnan, ang panahon ng kampanya ay isa sa pinakamasayang kaganapan sa ating bansa. Bakit ‘eka niyo? Aba, dito magigisnan ng mamamayan ang sari-saring “pabebe” ng mga kandidatong nagpapakita ng gilas. Ang iba dinadaan sa “star quality kung saan karay-karay nila ang isang rekwang mga showbiz personalities na dagdag pogi-points at dagdag entertainmant factor sa entabladong tinalo pa ang PBA sa dami ng palamuti at burloloy kung saan, ang kandidato magpapatawa o magso-song-and-dance gamit ang mga taga-showbiz bilang kanyang tungkod at suporta sa ibabaw ng entablado habang magpapamalas ng taglay na talento sa kanta o sayaw.
Ang iba naman dadaanin sa pagpapatawa, o pananakot, o paghehele ng botante. At ang iba naman ay ginagamit ang kampanya upang maglahad ng kanilang plataporma at plano oras na mapili at mahalal. Wari ko sila ang nagkakaroon ng pinakamaraming manonood dahil mas gusto nilang malaman ang posisyon ng taong nagrerepresenta para sa posisyon. At malaking bahagi ang debate. Dito nakikipag-tagisan ng talino ang kandidato sa kapwa kandidato. Dito magkakaroon ng paghahambing ang taumbayan kung saan makakapili sila base sa narinig at nakagisnan. Samakatuwid, dito naghihiwalay ang lantay sa peke.
Ang tunay sa “bogus”, ang matino sa buktot. Totoo malaking bagay ang suporta ng “incumbent” sa kampanya dahil maaari itong gumawa ng balakid na ikadidiskaril ng kampanya ng isang kandidato sa teritoryo niya. Pero hindi maaaring harangin ang pagtuklas sa karunungan. Dito nagkakaroon ang taumbayan ng lakas. Maaaring harangin ang kandidato, pero kung madunong ito gagawa ito ng paraan. At iyan ang hinahanap ng botante.
***
NATAWA ako nung nabasa ko na ipinamana ni Rodrigo Duterte ang pangangalaga ng kanyang administrasyon kay Arturo Tugade. Matatandaan na naging malaking kapalpakan ang ginawa nitong “centralized bus terminals” para sa mga pamprobinsyang bus. Mabuti na lang at itinigil na ito, matapos ulanin ng batikos at mura ang DOTR. Ewan ko lang kung saan aabot ang endorsong ito ng pangulo. Dahil ang mga nasa a
Gabinete niya ay nagpakita na ng kawalan ng kaalaman at pagkamanhid sa katotohanan. Batid ng marami na ang pangulo ay nagmistulang kulugo na lang. Bukod na walang silbi nakakairita. Bagaman isang mistulang kulugo, tila nagpapabibo pa rin si Rodrigo Roa Duterte. Sa opinyon ng kolumnistang ito nakakabilib ang fighting spirit ng kulugo. Pero sa nalalabing mga araw bago Mayo 9, ito ay huli na. Kaya “pencils down and pass your papers”. Bahala na si Juan dela Cruz mag grado sa iyo. At kasihan nawa tayong lahat ng Poong Kabunian.
***
Mga Piling Salita: “We celebrate 36 years of regaining our freedom as, halfway around the world, a nation prepares to defend theirs from the tanks and bombs of yae another tyrant. May today remind us: freedom is not free. We fought for ours. Let us not lose it again tru forgetfulness or neglect.” – Barry Gutierrez
“As we all pray for Ukraine, let us pray for ourselves as well. Pray for open minds and hearts to welcome our Ukrainian sisters and brothers to our shores when the need arises” -Pastor Bong Bringas
JOKE TIME:”A man met his friend who had started wearing earrings. He asked: Since when did you start wearing ear rings? His friend answered: since my wife found them in my car.”
***
mackoyv@gmail.com