Advertisers
HINDI inaasahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na sa Cagayan ay magkikita sila ni Rimwel ‘Toytoy’ Bocaling, ang batang tinulungan niya na mabigyan ng liver transplant patient, may apat na taon na.
Limang taon na ngayon, si Toytoy ay isinilang na may Biliary Atresia — isang sakit sa apdo na kung hindi mabibigyan ng bagong atay, ito ay magiging dahilan ng kamatayan.
Upang makaipon ng mahigit sa P2-milyon para sa operasyon, namalimos ang ina ni Toytoy, si nanay Amethyst pero kahit ano ang gawin mahihirapang malikom ang halaga.
Sa kuwento ni Dr. Carl Balita, isa sa pambatong senador ni Isko, inilapit niya ang problema ni Toytoy sa noon ay bise-alkaldeng si Isko Moreno — na agad ay nagpaluwal ng milyon-milyong piso para maoperahan agad ang bata sa India noong 2018.
Hindi lang si Toytoy ang ipinagamot ni Yorme Isko, ayon kay Dr. Balita, “mahigit sa 20 bata na tulad ng sakit ni Toytoy ang ipinaoperahan ni Yorme sa Taiwan at lahat ng liver transplant surgery ay successful.”
Ang kabutihang-loob ni Isko, sabi ni Dr. Balita ang isa sa dahilan kaya pumayag siya na kumandidatong senador at tumutulong upang manalo sa eleksiyon sa Mayo 2022.
Sa lobby ng Mango Suites Hotel, naiiyak sa tuwa na nagpasalamat ang mag-inang Toytoy, kasunod ang paghawak sa kamay ni Yorme Isko na nagmano na sinagot ng alkalde ng isang ‘‘high-five’.
“Ingat ka, ha,” sabi ni Yorme Isko matapos ang pagpakuha ng larawan kasama sina Rimmuel at inang si Amethyst.
“Salamat sa Diyos maraming bata ang nabuhay at malalaki na ngayon, yung iba binatilyo na,” sabi ni Yorme Isko.