Advertisers
SA pandemyang dinaranas mula sa COVID-19 at ngayo’y krisis sa langis naman dulot sa giyerang nagaganap sa pagitan ng RUSSIA at UKRAINE ay nananawagan ang iba’t ibang TRANSPORT GROUP sa pangunguna ng PAGKAKAISA NG MGA SAMAHAN NG TSUPER AT OPEREYTOR NATIONWIDE (PISTON) na ipatigil ang OIL TAX at alisin ang OIL DEREGULATION LAW.
Sa isinagawang press conference kahapon sa isang restoran sa QUEZON CITY ay ipinanawagan ng mga TRANSPORT GROUP ang agarang pag-aksiyon ng gobyerno at ni PRESIDENT RODRIGO DUTERTE na maresolba ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.., kung saan ay apektado ang mga pamipamilya na gutom ang kalalabasan dahil sa taas ng mga gastusin.
Ipinunto ni PISTON NATIONAL PRESIDENT MODY FLORANDA na kung aalisin ang EXCISE TAX sa langis na ipinatupad ng TRAIN LAW ni DUTERTE ay mababawasan agad ng P6 kada litro ang krudo at kerosene; P3 ang sa gasolina; at P3 per kilogram ang sa LPG. Kung aalisin naman ang 12% VAT ay halos P6 na rin ang mawawala sa diesel, P7 sa gasolina at kerosene.
“Mantakin mong P12 per litro ang mababawas agad sa presyo ng krudo! Pabor ang karamihan ng mga mambabatas na alisin ang Excise Tax, kahit pansamantala lamang,” pahayag ni FLORANDA na nakadalo sa online na pamamaraan sa nasabing special session ng 4 na komite ng Kongreso nitong March 7, 2022.
Bunsod nito, ang PISTON ay nanawagan sa iba’t ibang grupo ng mga DRIVER at OPERATOR ng jeepney, UV Express, tricycle, taxi, bus, truck at iba pa.., kasama na rin ang mga manggagawa, maralita at iba pa na magsamasama ang lahat sa pananawagan upang ipaalis ang Excise Tax at VAT sa langis.., higit dito ay mapatigil ng gobyerno ang limitasyong paggalaw dahil sa mandato ng OIL DEREGULATION LAW.
Ipinapanawagan din ng mga TRANSPORT GROUP ang maagang pag-release sa tinatawag na FUEL SUBSIDY sa mga driver ng PUBLIC UTILITY VEHICLES tulad ng jeepney, taxi, bus, delivery drivers din ng Grab, Panda at iba pa.., gayundin ay kabilang din dito ang mgaangingisdang nagkakarga ng gasolina sa bankang-de-motor at sa mga magsasakang gumagamit ng gasolina sa bomba sa patubig at makina.
Sa kasalukuyan ay inaaral pa rin ng PISTON kung sasang-ayon sa panunumbalik ng P10 minimum na pasahe para sa unang 4 kilometro bilang dagdag na piso sa kasalukuyang P9 na pasaheng minimum. Ang panukalang P10 pasaheng minimum ay inihain ng grupong 1-Utak, Pasang Masda, ACTO at ALTODAP nitong Enero 31, 2022 sa LAND TRANSPORTATION AND FRANCHISING REGULATORY BOARD (LTFRB) na isinagawa ang pagdinig nitong March 8, 2022.
Bukod diyan ay inaaral din ng PISTON ang kaakibat na petisyon ng mga pederasyon na humihiling sa dagdag na P5 pasaheng minimum ng mga jeepney at gawing P2.50 per kilometro ang karagdagang pasahe pagkalampas ng unang 4 kilometro.., dahil sa kasalukuyan ay P1.50 per kilometro ang dagdag na pasahe pagkalagpas ng 4 kilometro.
“Mas mahalaga ay kailangang panagutan muna ng gobyerno ang ibayong pag-alagwa ng presyo ng mga produktong petrolyo. Matagal nang hinayaan ng gobyerno na magtakda ng sariling presyo ang mga kompanya ng langis dahil sa pag-iral ng Oil Deregulation Law.., ni hindi man lamang siniyasat kung wasto nga ang mga salik na nagpapataas sa presyo at kung sakto ba ang pagtaas o pagbaba ng presyo sa local. Kaya nga kasama sa isinalang sa Special Session ng Kongreso nitong Lunes March 7 ang usapin ng pagbawi o pagbabago sa Oil Deregulation Law upang magkaroon ng kapangyarihan ang gobyerno sa pagtatakda ng presyo,” pagdidiin ni FLORANDA.
PAGING PRESIDENT RODRIGO DUTERTE.., sa krisis na kinakaharap ngayon hindi lamang sa TRANSPORT SECTOR kundi maging ang buong mamamayan ay damay sa krisis.. na agad pong tugunan ang hinaing ng sambayanan sa kanilang mga karaingan.., kumbaga, hindi lamang dapat minomonopolyo ng OIL INDUSTRY ang ating ekonomiya.., kailangan ay maging bukas sa lahat ng pamamaraan tulad sa mga imbentor ng SOLAR POWER, WIND MILL at ang gumawa noon ng de-tubig na sasakyan pero hinarang ng OIL INDUSTRY… kung nasuportahan sana ng gobyerno ang gayong mga imbensiyon e disin sana ay hindi mangangarag ang ating ekonomiya dahil may ibang mga option para sa tuloytuloy na pag-andar ng negosyo na hindi nakasandal lamang sa gasolina!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.