Advertisers
Pagbuwag sa hindi patas na pamamahagi ng pambansang budget ang sosolusyonan ng tambalang Lacson-Sotto para maramdaman ng mga nakatira sa kanayunan ang pag-unlad gaya ng mga residente sa Lungsod ng Pasig.
Ipinaliwanag ito nina Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto sa kanilang pagbisita sa Pasig City nitong Miyerkules. Anila, kung magiging maayos ang pamamahala sa kaban ng bayan, magiging maunlad ang lahat ng lugar sa bansa.
Kaya ayon sa Lacson-Sotto tandem, magiging prayoridad nila ang pagpapatupad sa reporma na reresolba sa matagal nang isyu ng kawalan ng koneksyon sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaan sa pangangailangan ng maliliit na komunidad.
“‘Yung ating national budget masyadong centralized. Alam ninyo ba ang ina-adopt lang sa ating national budget, ‘yung tinatawag na General Appropriations Act, 20 percent lamang ang nanggagaling sa mga local government unit,” ani Lacson.
“Isipin ninyo mas malawak ang ating mga local government unit and yet ang share lang nila sa national budget na lahat naman tayo merong share, kasi ang national budget nanggagaling ‘yan sa ating mga tax, mga revenue na kinokolekta,” dagdag niya.
Magiging susi umano rito ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na pangunahing plataporma ng Lacson-Sotto tandem at matagal na nilang isinusulong na adbokasiya para mabigyan ng kapangyarihan ang lahat ng local government unit.
“Irereporma natin ang budget na kung saan mas makikinabang ‘yung mga local government unit; meaning, bottom-up. Lahat ng mga rekomendasyon, ‘yung tinatawag na mga local development plan manggagaling talaga sa mga lokal na pamahalaan katulong ‘yung mga kababayan kasi multi-sectoral po ito,” ani Lacson.
Sa paraang ito, habang binabalangkas pa lamang ang budget ay kasama na ang mga mungkahing proyekto mula sa mga barangay, kabilang din ang mga suhestiyon ng iba’t ibang sektor tulad ng mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at maging ng mga kabataan.
“Kasi sino ba ang nakakaalam ng mga pangangailangan at saka prayoridad ng mga local government unit kundi ‘yung lokal. Kaya napakaraming istorya na kung saan hindi naman kailangan ng local government, dumarating na lang ‘yung pondo o ‘yung project galing national government,” paliwanag ng presidential candidate.
Ito rin ang dahilan kung bakit lumobo ang hindi nagagamit na pondo ng pamahalaan kaya nangangailangan ng isang mahusay na lider na kayang suriing mabuti ang mga pagkakagastusan, at siguradong hindi magnanakaw sa kaban ng bayan, ayon pa sa tambalang Lacson-Sotto.
“Naniniwala kami na kaming mga gumawa ng batas, ‘pag binigyan ninyo ng pagkakataon na kami ang mag-implement ng batas, alam namin kung paano i-implement po ‘yun,” sabi ni Sotto sa harap ng mga dumalo sa town hall meeting sa Pasig City Mega Market.
Tulad ng ginagawa nilang pangangampanya sa ibang mga binibisitang lugar, nakipagpulong ang dalawang batikang lingkod-bayan sa iba’t ibang sektor tulad ng mga nagtitinda sa palengke, tricycle drivers, senior citizens, at mga kabataan.