VM Honey, susunod na mayor ng Maynila; Congrats, Atty. Jay de Castro, Commissioners George Garcia at Aimee Neri
Advertisers
UNA sa lahat, congratulations kay Atty. Jay C. De Castro na naitalaga kelan lamang at nanumpa bilang Deputy Director General of the Bureau of Corrections, na may ranggong Assistant Secretary. Siya ay nanumpa kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra.
Congratulations din sa bayaw ng aking kaibigang si Richie Laurel na si Atty. George Garcia at dating social welfare undersecretary Aimee Neri, sa kanilang pagkakatalaga bilang Comelec Commissioners. Magagaling na tao ang dalawang ito kaya sana ay bigyan natin sila ng pagkakataong mapatunayan ang kanilang mga sarili sa kanilang mga bagong posisyon.
***
Matapos niyang tawaging “Ina ng Maynila” si Vice Mayor Honey Lacuna,” nanawagan si Mayor Isko Moreno sa mga taga-lungsod ng Maynila na sana ay si Lacuna na ang gawin nilang susunod na mayor ng lungsod.
Sa totoo lang, malaki naman talaga ang naging papel ni Lacuna sa pagtatagumpay ng administrasyon ni Mayor Isko at mismong ang alkalde ang nagsasabi nito.
Para sa kaalaman ng lahat, hindi lamang kasi pagiging bise-alkalde ang papel ni Lacuna sa Maynila. Siya rin ang may hawak ng sagwan bilang Presiding Officer ng Manila City Council na binubuo ng 38 konsehal.
Bukod diyan, si Lacuna din ay itinalaga ni Moreno bilang pinuno ng health cluster ng lungsod, bilang isang doktor.
Si Lacuna din ang pinagkatiwalaan ni Moreno bilang taga-pangasiwa ng anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod ng Maynila.
Dagdag pa riyan ang pagiging in-charge ni Lacuna sa isinasagawang mass vaccination program ng lungsod ng Maynila.
Tama si Mayor Isko. Naging mapalad siya sa pagkakaroon ng masipag, magaling at supportive na working partner sa katauhan ni Lacuna. Pagkatapos ng eleksyon sa Mayo, maging si Congressman Yul Servo na tumatakbo bilang vice mayor ni Lacuna ay magiging mapalad kay Lacuna bilang working partner.
Ito ay dahil alam na alam na Lacuna ang pasikot-sikot ng trabaho sa lungsod ng Maynila dahil naging aktibo ang partisipasyon nito sa lahat ng nangyari sa Maynila, simula pa noong maupo sila ni Mayor Isko noong 2019, lalo na nang pumasok ang pandemya.
Hindi rin naman matatawaran ang kagalingan ni Servo bilang lingkod-bayan. Tiyak din na magiging epektibo ito sa pagsuporta sa pamahalaang-lungsod batay na rin sa service record nito sa larangan ng paggawa ng batas.
Bilang isang Presiding Officer ng Manila City Council na gumagawa ng mga ordinansa o local na batas, ang trabaho na kakaharapin ni Congressman Servo ay katulad lang ng naging trabaho nito sa Congress, ang pagbuo ng mga batas. Naging konsehal din naman si Servo ng siyam na taon kaya walang problema.
Parehong kabisado nina Lacuna at Servo ang trabaho na kanilang pinapasok kaya masuwerte ang mga taga-Maynila sa mga susunod na mamumuno sa kanila.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.