Advertisers
MALAYA ang sinomang kasapi ng Catholic charismatic movement El Shaddai sa gusto nilang ibotong pangulo at iba pang kandidato sa halalan sa Mayo 9.
Inihayag ito ni El Shaddai servant leader Bro. Mike Velarde sa pagtitipon ng samahan sa International House of Prayer sa Amvel, Parañaque City nang bumisita kamakailan sina Aksyon Demokratiko presidential aspirant Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at katiket na bise presidente Doc Willie Ong, at mga kandidatong senador.
“The choice is yours, Bahala kayo sa gusto n’yo, ” sabi ni Bro. Mike sa mga mananampalataya ng samahang El Shaddai.
Ipinaalaala ni Velarde na may mga panauhing kandidato na dadalaw tuwing may pagsamba at pananalangin ang kanilang grupo ng mananampalatayang Katoliko.
“Welcome natin silang lahat na dumalo sa ating gawain. I am presenting them to you, examine their hearts for the scripture says: ‘Out of the heart, the mouth is fixed.’ Kung ano ang laman ng dibdib ay siyang bukambibig,”sabi ni Velarde sa mananampalataya.
“The choice is always yours, not mine,” aniya.
Matapos magpasalamat kay Bro. Mike, sinabi ni Yorme Isko na kung papalarin,” ipararamdam ko sa inyo ang pagkakapantay-pantay ng tao. Mapa-Mindanao, Visayas at Luzon o sa ibang bansa, bawat Pilipino pantay-pantay sa serbisyo, programa at polisiya ng gobyerno.”
Ipinaubaya ni Isko ang paghusga sa ginawa niyang maraming proyekto sa Maynila kung nararapat siyang iboto sa Mayo 2022.
“…Kayo na po ang humusga kung ako ba ay naging mabuti sa paglilingkod sa ating kapwa at bawa’t pamilyang Manileño. Sana ay maiparating ninyo ito sa inyong mga kamag-anak at kaibigan sa ibang panig ng Pilipinas,” pakiusap ni Yorme Isko.
Masaya siya, sabi pa ni Yorme Isko ang sinabi ni Velarde na malaya ang mga kasapi na pumili ng gustong iboto.
“Because of that Brother Mike, you gave me hope. Hindi pa huli ang lahat. Sabi nga po, matigas man ang bulalo, lalambot din ‘to,” sabi ni Yorme Isko sa harap ng mananampalataya ng El Shaddai.