Advertisers

Advertisers

Bong Go: Koleksyon ng excise taxes sa oil products, itigil muna

0 319

Advertisers

HABANG pinatataas ng hidwaan ng Russia-Ukraine ang mga presyo ng langis sa buong mundo, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na suportado niya ang pansamantalang pag-antala sa pangongolekta ng excise taxes sa mga produktong langis upang matulungan ang mga Pilipino na makayanan ang tinatawag na “economic shocks”.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Go na ang pagprotekta sa mga konsyumer ay dapat na iprayoridad.

Gayunpaman, sinabi niya na dapat ding isaalang-alang ang mga posibleng epekto sa pangongolekta ng buwis para sa kita ng gobyerno.



Pero ayon kay Go, habang hindi stable ang presyo ng langis ay pwedeng isuspinde muna ang koleksyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Idinagdag ng mambabatas na pabor siya sa isang espesyal na sesyon upang matugunan ang mga naturang panukalang batas ngayong nasa session break ang Kongreso.

Binanggit niya ang mga posibleng solusyon, tulad ng moratorium at pagbibigay ng dagdag na badyet bilang suporta sa mga manggagawa partikular sa sektor ng transportasyon.

Nanawagan din siya sa administrasyon na bilisan ang pagpapalabas ng subsidiya na inilaan sa mga jeepney driver na kamakailan pa lamang nakababalik sa biyahe sa mga alert level 1 na mga lugar.

Noong Huwebes, naglabas ang Department of Budget and Management ng kabuuang P2.5 bilyon sa Department of Transportation bilang fuel subsidy sa humigit-kumulang 377,000 kuwalipikadong public utility vehicle drivers.



Isa pang kalahating bilyong piso ang inilabas din sa departamento ng agrikultura upang ma-subsidize ang gastos sa transportasyon ng gasolina ng mga magsasaka at mangingisda upang mabawasan ang posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain.

“Apektado rito ‘yung mahihirap… Bawat piso, bawat sentimo ay nauugnay sa mga kababayan natin. Bawat pagtaas ng gasolina at krudo, apektado ‘yung mga tsuper, mga jeepney at itong mga public utility vehicle drivers,” ani Go.

“Kung ano yung solusyon na pwedeng gawin ng executive, kung isuspinde muna (ang excise tax) o magbigay ng ayuda, susuportahan ko. I think mayroon yata silang inilaang ayuda para sa mga jeepney transport groups… I am willing kung kailangan magkaroon ng panibagong batas para magkaroon ng budget para matulungan ang mga tsuper at mga apektado,” idinagdag niya.

Sinabi ng mambabatas na naglabas na si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga tiyak na tagubilin sa mga kinauukulang ahensya upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang National Economic and Development Authority, Department of Energy, Department of Trade and Industry, Department of Finance, at Department of National Defense.

“Inatasan niya si (Executive) Secretary Medialdea and (the concerned agencies) to check the prices para hindi masyado tumaas … Secretary Carlos Dominguez of Finance and even the Department of Defense ay inihanda na niya kung lumala itong giyera at apektado ang ating bansa,” sinabi niya.

Samantala, idiniin din ni Go ang pangangailangang pag-aralan pa ang mga panawagang magdeklara ng state of economic emergency sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, nanawagan si Go sa mga kumpanya ng langis at mga mangangalakal na gawin ang kanilang bahagi upang matulungan ang bansa na makaahon sa mga nangyayaring krisis.

Hinimok niya ang mga ito na iwasan ang pagsasamantala sa pamamagitan ng hindi kinakailangang pagtaas ng mga presyo para sa kita.

Noong Marso 8, inihayag ng mga kumpanya ng langis ang kanilang pinakamalaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa P5.85 kada litro ng diesel, P4.10 para sa kerosene, at P3.60 para sa gasolina.

“Nakikiusap kami sa mga malalaking kumpanya ng langis, balansehin niyo ‘yung kita at ‘yung paghihirap ng ating bayan. Malaking bagay ‘yon. Malaking tulong ‘yon kung saka-sakaling pwedeng bumaba, babaan niyo agad ‘yung presyo. Iyan nga ‘yung layunin ng ating batas na deregulasyon. Puwedeng ibaba, puwedeng itaas,” ipinunto ni Go.