Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Darating ang ulan, baha, at malakas na hangin’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 7:24-27, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
RADIO-TV LOCALIZED FRANCHISING NA IPINAPANUKALA NG BATAS, KINATIGAN: Mariing sinang-ayunan noong umaga ng Lunes, Marso 09, 2022, ni Ginoong Reye Cabaraban, kandidatong congressman sa ika-tatlong distrito ng Bukidnon at kasalukuyang pangulo ng Community Radio and Online Broadcasters Association of the Philippines, ang panukala ng BATAS, o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan, para sa localized franchising ng mga broadcast stations sa mga lalawigan.
Sa 31st episode ng palatuntunang 1 Boto Ko TV, sinabi ni Cabaraban, ang station manager ng Power FM Broadcasting stations sa Mindanao, na kinakatigan niya ang pag-alis ng congressional franchises (o mga prangkisa para sa mga radyo at telebisyon na napapanood at napapakinggan sa buong bansa) sa mga broadcast stations na sa mga lalawigan lamang sumasahimpapawid.
Ang panukala ay isinatinig ng BATAS sa 1 Boto Ko TV kaninang umaga. Ayon kay Atty. Batas Mauricio, ang secretary general ng BATAS, masyadong mahirap ang pagkuha ng prangkisa para sa mga radyo at telebisyon sa kasalukuyan, lalo na at kailangang pagbotohan ito ng buong Kamara De Representantes.
Sa mga himpilan ng radyo na nasa mga lalawigan o mga lokal na komunidad, maaaring sa tanggapan na lamang ng punong ehekutibo doon, o sa opisina ng mga gobernador at mga mayors, ang panggagalingan ng mga permits. Pero, para makatiyak na maayos ang pagsasahimpapawid ng mga himpilan, sa National Telecommunications Commission sila kukuha ng autoridad.
-ooo-
LABOR PARTY VP BET, KINONDENA ANG GAS PRICE INCREASES: Sa iba pang mga balita, kinondena naman ni Labor Party Philippines vice presidential candidate Manny SD Lopez II ang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa Pilipinas kahapon, Marso 08.
Ayon kay Lopez, hindi pa dapat itinaas ang presyo ng gasolina kada litro, kasi ang ipinagbibili ng mga gas stations ngayon ay gasolinang binili nila noong mababa pa ang presyo sa pandaigdigang pamilihan.
Batay sa mga datos ng Department of Energy, lumilitaw na ang stock ng gasolina sa Pilipinas na nabili sa mababang presyo noong nakaraang taon ay hanggang mga Hunyo pa.
Dahil diyan, dagdag ni Lopez, hindi pa makatuwirang naniningil na ng napakataas na presyo kada litro ang mga gas stations umpisa kahapon. “Pagkaganid na lamang ang pinaiiral ng mga may-ari,” puna naman ng online show na 21 Minutos Mas o Menos.
-ooo-
MGA PAGBAHA DAHIL SA LPA, NAGPAPALUBOG SA MARAMING BAHAGI NG MINDANAO: Samantala, muling ginulantang ng mabilis na pagtaas ng tubig ang maraming lugar sa South Cotabato at Sarangani Province kagabi hanggang noong madaling araw ng Miyerkules, Marso 09, 2022.
Sa ulat sa Kakampi Mo Ang Batas ni AND KNK Pastora Mylen Gasmin Ticalo, napilitang lumusong sa tubig ang mga tao sa gitna ng kadiliman, upang makaiwas sa pagragasa ng tubig baha.
Sa mga video at still photos na ipinadala ni Pastora Mylen kanina, isang malaking resort sa Sarangani Province na tinatawag na Lucena Resort White Water Tubing Adventure ang nilamon at sinira ng baha mula sa isang kalapit na ilog.
Sinabi ni Pastora Mylen na nabigla ang mga residente ng nasabing dalawang lalawigan dahil tila nagsama-sama ang mga ilog sa pag-apaw sa mga katabi nitong mga bayan.
Sa live reports naman nina Pastor Johnson Gasmin at Pastora Mercy Posadas, mga residente sa South Cotabato, ipinakita nila ang takot at lungkot na naramdaman ng kanilang mga kapitbahay na lumusong sa baha sa dilim ng gabi.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com (Kakampi Mo Ang Batas), Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, at 95.5. J FM network.