Advertisers
NAPAKARAMING PARTYLIST ang nagsulputan na pawang nagsisi-asang maluklok sa KONGRESO upang maging kinatawan ng isang partikular na sektor sa ating lipunan.., subalit, tila may mga nahalal nang mga PARTYLIST ang mistulang wala namang naisakatuparan sa mga adhikaing kanilang ipinangkampanyahan noong sila ay kumakandidato pa lamang.
Ngayong kampanyahan para sa May Election 2022 ay mas lalo pang nadagdagan ang mga bagong PARTYLIST.., mangangatok sa mga botante upang sila ang iboto at kabilang na rito ang BUKLOD FILIPINO PARTYLIST…, na panawagan ng kanilang koponan ay ang PAMILYANG PILIPINO ANG BIDA SA KONGRESO.
Sa BREAKFAST MEDIA FORUM ng EXCHANGES & CONVERSATION nitong nakaraang Biyernes, na ang MODERATOR ay si ATTY. AL VITANGCOL ay naging panauhin nito ang mga kakatawan ng BUKLOD FILIPINO PARTYLIST na sina 1st nominee IMUS CITY MAYOR EMMANUEL MALIKSI; 2nd nominee BATANGAS CITY VICE MAYOR DOC JUN BERBERABE; at ang 3rd nominee na si IMUS CITY COUNCILOR VINCE AMPOSTA
Ipinunto ng mga NOMINEE, na ang kanilang pinagsama-samang karanasan na hihigit sa apat na dekada sa lokal na pamahalaan ang maghahatid umano ng mas EPEKTIBONG PERSPEKTIBO sa KONGRESO sa pagsusulong ng kanilang ADVOCACY para sa MAAYOS NA KALUSUGAN; MAUNLAD NA KABUHAYAN; PANTAY NA KARAPATAN; LIGTAS NA KABAHAYAN; at DE-KALIDAD NA EDUKASYON.
Pangunahing programa umano nina 1st nominee MALIKSI ay ang bigkisin at itaguyod ang kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino; unahin ang pagpapalawak ng libreng serbisyong medikal at dagdag na pagamutan; kabuhayan, trabaho at oportunidad para sa maliliit na negosyo; ligtas ar mataas na antas ng pamumuhay; oportunidad para sa disenteng pabahay tulad ng libreng pabahay para sa mga mahihirap; at de-kalidad na edukasyon kabilang na ang libreng pagsasanay.
Nitong Enero 2022, sa isang SURVEY ay nakopo ng BUKLOD FILIPINO PARTYLIST ang ika-27 na puwesto mula sa mahigit isandaang PARTYLIST CANDIDATES at nitong March 11, 2022 sa BREAKFAST.MEDIA FORUM ni ATTY. VITANGCOL ay naglagdaan sa MEMORANDUM OF ALLIANCE ang BUKLOD FILIPINO PARTYLIST at ang KATIPUNAN NG DEMOKRATIKONG PILIPINO-KATIPUNAN PAMILYA PILIPINO (KDP-KPP) na pinamumunuan ni RICARDO FULGENCIO IV.
Napakaganda ng adhikain nitong PARTYLIST na halos ay pare-pareho rin sa programa ng iba’t ibang PARTYLIST.., pero nang mailuklok sa KONGRESO ay tila nagbutas lamang ng upuan sa sesyon at wala man lamang yatang naisakatuparan sa kanilang mga ipinangampanya.., at eto ang hamon ng ARYA sa BUKLOD FILIPINO PARTYLIST na kung mailuklok sila sa KONGRESO ay makalikha sila ng mga batas at proyektong magsusulong sa progresibong ikabubuhay ng mga karaniwang mamamayan.
Sabi nga ni ATTY. VITANGCOL.., kung matutulad ang BUKLOD FILIPINO PARTYLIST sa mga PARTYLIST na wala namang naisakatuparan sa kanilang mga ipinangampanya ay siya (ATTY. VITANGCOL) ang unang babatikos.., siyempre pa, ang ARYA ay aarya rin sa pambabatikos kung hanggang papogi lamang ang gagawin ng.koponan ni MAYOR MALIKSI.
***
KAPAKANANG MARALITA ISUSULONG NG PCUP
Ngayong taong 2022 ay mas paiigtingin pa ng PRESIDENTIAL COMMISSION FOR THE URBAN POOR (PCUP) ang pagkalinga sa mga MARALITANG PILIPINO sa pagbibigay ng mga dekalidad na programa at serbisyong
pangkapakinabangan.
Sa nakalipas na taon, umabot sa halos 10 milyong Pilipino ang natulungan ng PCUP sa aspeto ng social preparation activities nito na kinapapalooban ng mga usapin sa asset reform, human development and basic services, at livelihood and employment.
Sa pahayag ni PCUP CHAIRPERSON at CEO UNDERSECRETARY ALVIN FELICIANO.., “kahit na bumababa na ang kaso ng COVID-19 at unti-unti na ring nakakabangon ang bansa natin, ay hindi pa rin titigil ang aming Komisyon sa pag-agapay sa buhay ng ating mga maralitang tagalungsod.”
Kasama sa mga programa ng PCUP ay ang Capability Building Programs (CBPs), Relief Operations, Food, Health, Scholarship at Accreditation Caravan, at ang PCUP Mini Caravan, Accreditation Caravan, Adopt an Urban Poor Community at Urban Poor Privilege Card na bahagi ng Three (3) Priority Programs ng PCUP.
Kabilang naman sa mga nasimulan nang matulungan ng PCUP ang pagkalong sa ating mga kababayang nahagupit ng Bagyong Odette nitong 2021 sa pamamagitan ng disaster preparedness seminars at relief distribution na naglalaman ng mga instant foods, at first aid emergency kits para sa mga taga-Visayas at Mindanao.
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.