Advertisers
SA wakas ay nailagak na din sa kanyang dapat paglagyan ang notoryus na manggagantso sa Batangas at Metro Manila kasunod ng pagkaaresto ditto ng mga operatiba ng Batangas Provincial Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), noong September 12, 2022.
Naghihimas na ng rehas na bakal sa CIDG Batangas detention cell si Riza Comia-Marasigan, 52 ng Tierra Verde Subdivision, Brgy. Pallocan West, Batangas City.
Inaasahang magdadagsaan ang iba pang mga nabiktima ni Maarasigan sa tanggapan ni Batangas CIDG Provincial Officer, P/Lt. Col. Benedick Poblete sa Kampo Heneral Miguel Malvar, Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City para magsampa ng reklamo.
Pero kwidaw lang mga KASIKRETA, may pinsan si Marasigan na operatibang nakatalaga sa Batangas CIDG Provincial Office. Ngunit tiwala ang inyong lingkod sa katapatan ng buong pwersa ng naturang tanggapan sa ilalim ni LtCol. Poblete.
Pinapupurihan natin sina Poblete, mga opisyales at tauhan nitong naging bahagi ng operasyon para masakote si Marasigan.
Tuso man at mailap si Marasigan sa mga awtoridad ay nasorpresa rin ito ng mas higit na matatalinong operatiba ng CIDG na kinabibilangan nina Provincial CIDG Deputy Chief Daniel R. Yema, P/Lt. Reggie Comandante, Police Master Sergeant Apolinario Brosotro, Police Staff Sergeant Nemesio De Sagun, Jr. at Pat. Edgar H. Jose, Jr.
Abala si Marasigan sa pag-aayos ng kanyang mga paninda sa pag-aari nitong sari-sari store nang pagsalikupan ito ng mga naturang operatiba.
Di na nakapalag si Marasigan nang ipakita sa kanya ng grupo ng CIDG agents ang tatlong warrant of arrest sa kasong estafa na iniisyu ni Makati Trial Court, Branch 63 Presiding Judge Alberto N. Azarcon III.
Ipinaliwanag naman ni CIDG Provincial Office Intelligence and Investigation Chief, P/Lt. Reggie Comandante ang mga karapatan ni Marasigan batay sa Miranda doctrine bago ito inaresto.
Payo natin sa mga nabiktima ni Marasigan na interesadong magsampa din ng kani-kanilang reklamo laban sa tinaguriang “Estafa Queen” ng Batangas, na huwag kaagad madidismaya kung di nyo maratnan sa opisina ng CIDG si Marasigan.
Mula sa kanyang temporary detention cell ay isasalin ng CIDG ang kustodiya ni Marasigan sa tanggapan ng Makati Trial Court, Branch 63 sa nasabing lungsod.
Sa tanggapan ni Judge Azarcon ay inaasahang mag-iisyu ng commitment order ang nasabing huwes laban kay Marasigan para maikulong ito sa Makati City Jail.
Para sa kaalaman ng iba pang mga biktima na di pa makapagharap ng kanilang reklamo sa tanggapan ng pulisya, ay may nakalaan naman ang inyong lingkod na magagaling na abogado na handang tumulong para makapagharap sa pagsasampa ng kaso laban sa mga salot na ito ng lipunan.
Ipinababatid natin sa mga nabiktima ni Marasigan na pansamantala pa lamang ang pagkakakulong nito, sapagkat inaasahan natin na makapaglalagak agad ito ng piyansa o ng recommended bail bond para pansamantalang makalaya sa tatlong kaso ng Estafa na isinampa laban rito ng nagreklamong si Santos A. Ibon.
Si Santos, ay retiradong master mariner, na residente ng Makati City at Batangas City, nakababatang kapatid ng inyong lingkod ay kabilang sa napakaraming nagantso ng grupo ni Marasigan sa kunya-kunyari ay pagpapatakbo ng St. Athanasius Medical Laboratory and Drug testing Center sa bayan ng Bauan sa lalawigan ng Batangas.
Nauto ni Marasigan si Santos na sumosyo sa pagpapatakbo ng nasabing laboratory at drug testing center, kaya nagantso ng humigit-kumulang sa tatlong milyong piso.
Ngunit ang totoo pala ay wala namang negosyo sina Marasigan. Kapag nagputukan na ang iba pang mga kaso nitong si Marasigan ay baka sumabit din sa kaso maging ang asawa nito at anak sang-ayon sa paglalahad ng mga biktima.
Kada isa sa tatlong kasong estafa na iniharap ni Ibon kay Marasigan ay may inerekomendang tig Php 18,000 na piyansa ang piskalya ng Makati City.
Kaya may kabuuuan lamang na Php 54,000 ang itinakdang piyansa kay Marasigan na kung tutuusin ay barya lamang, chicken feed ika nga kung ikukumpara sa halaga ng mga nakurakot nitong salapi mula kay Santos at sa iba nitong mga nabiktima.
Kaya nga inaasahan natin na baka hindi pa nag-iinit ang puwet nito sa kanyang kinakukulungang selda sa Makati City Jail ay makapaglagak agad ito ng kanyang piyansa.
May aga-agam pa ang karamihan sa mga biktima na baka mawalan ng saysay ang kanilang pagpupursiging tuluyang maipakulong si Marasigan pagkat may mga protektor ito sa hanay ng kapulisan at maging sa prosecutors office.
Naibulong kasi sa inyong lingkod ng ilan sa mga biktima, na tatlong miyembro ng PNP at dalawang court at prosecutors employees, ang nagsisilbing tagapag-ayos ng mga kaso at piyansador pa kapag sumasabit ang grupo nitong si Marasigan.
Hindi nagtataka ang inyong lingkod kung bakit sa kabila ng katotohanang sentensyado na pala ng korte sa may 11 kaso ng panloloko noon pang 2017 si Marasigan, ay nagawa pa rin nitong makapanloko ng iba pang mga biktima hanggang sa kasalukuyan.
May katotohanan kaya ang ibinulong din sa inyong lingkod na mukhang may katagalan na ding ginagawang gatasan ng ilang tiwaling warrant officer at subpoena server sina Marasigan? Tutukan natin ang mga kaganapang ito. Abangan…
***
Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.