Face-to-face na serbisyo at konsulta sa mga ospital na pinatatakbo ng Maynila, puwede na!
Advertisers
PUWEDE na ang face-to-face na serbisyo at pagpapakonsulta sa lahat ng mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Ito ang inanunsyo ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa lingguhang capital report ng lungsod kung saan sinabi niya rin na maari ng magpunta ang mga noo’y natatakot pumunta ng ospital kahit na kailangang-kailangan dahil sa takot na mahawa ng COVID-19.
Sinabi ni Lacuna sa kanyang pakikipagusap kay Mayor Isko Moreno, na ito ang kanilang napagkasunduan ng Aksyon Demokratiko presidential bet , idinagdag pa ni Lacuna na sinuman ang nangangailangan ng serbisyo medikal ay welcome sa lungsod hanggat kaya ng mga ospital.
“Unti-unti na po tayong nagbubukas ng ating mga ospital dahil sa pagbaba ng COVID kaya ‘yung mga naantala ang pagpapa- check up, bukas na po ang ating outpatient department (OPD),” sabi ni Lacuna.
Idinagdag pa niya na: “‘Yung mga natatakot pumunta sa ospital, ngayon ay pwede na kayong personal na magpa-check up. May face-to-face consultation na sa OPD. Lahat ay welcome makakuha ng health services, sabi nga ni Yorme.”
Pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ang mga sumusunod na pagamutan, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (first district); Ospital ng Tondo (2nd district); Justice Abad Santos General Hospital (3rd district); Ospital ng Sampaloc (4th district); Ospital ng Maynila (5th district); Sta. Ana Hospital (6th district) and the Manila COVID-19 Field Hospital.
Kaugnay pa nito, sinabi ni Lacuna na gaya ng direktiba ni Moreno, ang bagong dating na 2,500 kahon ng Bexovid, isang anti-viral pill para sa gamutan ng mild hanggang moderate COVID-19 sa mga indibidwal na edad 12 pataas, ay available sa sinumang nangangailangan nito maging taga-Maynila man o taga-ibang lungsod at lalawigan.
“Hindi lang po ito para sa mga Batang Maynila. Lahat ng nangangailangan ay maaring makipag-ugnayan sa Manila Emergency Operations Center (MEOC),” ayon pa kay Lacuna na idinagdag rin na ang contact numbers ng MEOC, na pinamumunuan ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at ng kanyang deputy na si Dr. Ed Santos, ay makikita sa Facebook account ni Mayor Isko at gayundin sa kanyang FB account at pati na sa Manila Public Information Office.
Ipinaliwanag ni Lacuna na ang Bexovid, ay maaring gamitin sa outpatient na COVID-stricken patients kung saan ang kalagayan ay maari ng bantayan sa loob ng bahay.
“Basta’t may tamang reseta and waiver mula sa pasyente at sa doctor dahil special permit lang ang ibinigay para dito. Masuwerte tayo dahil kumpleto na halos lahat ng gamot sa COVID dito sa lungsod ng Maynila,” dagdag pa ni Lacuna.
Ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa ilalalim ng pamamahala ni Moreno ang tanging lokal na pamahalaan na namamahagi ng libre, mamahalin at mahirap na mahagilap na anti-COVID medicines maging sa mga malalayong probinsya sa bansa. (ANDI GARCIA)