Advertisers
PATULOY na bumabalong ang suporta sa tambalang Leni-Kiko. Hindi mapigilan ang daloy ng suporta mula sa iba’t ibang panig at sektor ng bansa. Titser, lider-estudyante, grupo ng mga kabataan, unyon at pederasyon ng unyon ng mga manggagawa, asosasyon ng mga propesyonal, mga lider relihiyoso, eskwelahan, at iba’t ibang asosasyon ng mga estudyante – hindi silang nangingiming magpahayag ng suporta sa Leni-Kiko tandem.
Sa mga nakalipas na rali, libo-libo ang mga naglabasan upang ipakita ang suporta kay Leni at Kiko. Hindi akalain na ganito kalawak ang suporta sa tambalan. Huwag ihahambing ang mga Leni-Kiko rali sa mga matamlay na rali ni BBM at Sara at mapapahiya ang maghahambing dahil sa pagkakaiba. Lamay sa patay ang kay BBM-Sara dahil walang sigla. Mukhang naghihintay ng pakimkim ang mga dumadalo sa kanilang pagtitipon.
Umimbog at naging isang kilusang panlipunan, o “social movement,” ang kampanya ng Leni-Kiko team. Malinaw ang sama-samang pagkilos ng mga mamamayan ang suporta sa tambalan. Dinudumog ng mga tao maski saan pumunta si Leni at Kiko. Mistulang mga malaking piging ang bawat rali. Agad na sumusunod ang street party sa pagtatapos ng mga rali.
Dahil hindi matapatan ng kampo ni BBM ang sigla at laki ng mga rali ng Leni-Kiko team, kung ano-anong paninira na walang batayan ang sinasabi ng kabilang kampo. Hindi ganoon karami ang dumalo, binayaran ng P500 ang bawat sumali, napasok ng mga komunista ang rali, may binubuong coalition government si Leni at mga komunista, at kung ano-ano pa. Pinagtawanan ang mga hungkag na bintang.
Ano ang maaasahan sa mga susunod na araw at sa araw ng halalan?
Patuloy na babalong ang walang humpay na suporta sa Leni-Kiko tandem. Hindi mapipigilan ito dahil hindi kinakagat ng bayan ang mga nakakatawang pasakalye ng kampo ni BBM at Sara. Hindi naman kinakikitaan ng mga mapanlikhang galaw ang BBM-Sara team. Nanatiling kimi at walang kulay at sigla ang kanilang galaw.
Dahil hindi dumadalo sa debate si BBM at Sara, hindi kikilos ang kanilang kampanya upang ganap na mangibabaw. Kabaligtaran ang kabilang kampo. Patuloy ang sigla at kulay ng kanilang kampanya. Mas maraming tao ang sasali sa mga darating na araw. Naglalabasan ang mga tao upang ihayag nila ang kanilang saloobin.
Kahit magbuhos ng tulong pinansiyal ang China ang kampanya, hindi nila basta maaagaw ng ganoon kadali ang inisyatibo at sigla ng kampanya ni Leni at Kiko. Mahihirapan sila. Walang karakter na mapanlikha si BBM. Nanatiling pipitsugin ang kanyang disposisyon at hindi basta masasapawan si Leni sa mata ng publiko. Hindi nanalo ang duwag at pipitsugin kahit sa anong digmaan at labanan.
Dahil walang sigla ang kampanya ni BBM at hindi umaangat ang kanyang kandidatura, hindi nagbibigay ang malaking negosyo ng kontribusyon pinansyal sa kampanya ni BBM. Malaki ang posibilidad na ibubuhos nila ang suporta sa kampanya ni Leni. Mananatiling nakanganga ang kampo ni BBM at mga kapanalig. Hindi nila lubos na mauunawaan ang dumating na matinding unos sa kanilang kampo. Kamalasan ang tawag diyan.
***
HUWAG magpapadala sa drama ni Rodrigo Duterte. Maraming sinasabi ang tila nababaliw na presidente. Kamakailan nagpapahiwatig siya ng suporta at endoso sa kandidatura ni Leni Robredo. Lumpong pato na si Duterte. Dahil pababa na siya sa panguluhan, hindi siya dapat sineseryoso. Hayaan pumasok sa isang tenga ang kanyang sinasabi at lumabas sa kabilang tenga. Huwag na huwag magtitiwala.
Ang nais ni Duterte ay makaiwas pagsisiyasat at pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kanyang bigo ngunit madugong digmaan kontra droga. Nais ni Duterte na hanggang maaari, hindi siya habulin ng mga asunto sa sandaling bumaba ng puwesto. Tila na magugulo ang kanyang puwesto sa sandali bumaba siya sa poder.
***
NANANATILING hadlang sa pagbabalik sa normal na sitwasyon ang matinding kakulangan ng bus na bumibiyahe sa mga probinsiya at Metro Manila. Sangkap ang mga bus pamprobinsya sa muling pagbuhay at paglago ng pambansang ekonomya na pinatay ng mga polisiya ni Rodrigo Duterte. Kung wala ang mga bus pamprobinsiya, kalimutan ang muling pagbangon.
Ayon kay Nikki Coseteng, dating senador, pumayag ang 18 sa 20 kasapi ng IATF sa isang pulong na payagan pumasok ang mga bus pamprobinsya sa Metro Manila. May pahayag ang PCOO (hindi ang DoTr o LTFRB), na pinapayagan ang mga bus pamprobinsya na pumasok at kumuha ng pasahero sa bus terminal ng Cubao, ngunit hindi ang mga bus na galing sa hilagang Luzon. Kailangan dumaan ang mga bus pamprobinsya sa central bus terminal sa Bocaue.Tanging doon sila makakalulan ng mga pasahero.
Napansin ni Nikki Coseteng na hindi gumagalaw ang DoTr upang mabigyan ng solusyon ang matinding kakulangan ng mga bus pamprobinsya na biyahe mula Metro Manila patungo sa mga destinasyon sa ibang lalawigan. Napansin niya na mukhang nais ng DoTr na dumagsa ang mga bus sa EDSA kung papayagan silang magbiyahe at kung lumala ang trapiko sa EDSA, isisi ang lahat sa mga bus upang tuluyan na silang mawala sa pagwawakas ng termino ni Duterte.
Para sa kanya, “may mga aninong gumagalaw” kung bakit hindi pinahihintulutan ng DoTr na bumiyahe ang mga bus pamprobinsya. Hindi tuwirang pinangalanan o binanggit ni Coseteng kung ano at sino ang mga aninong pumipigil upang muling makalabas ang mahigit sa 5,000 bus na bumibiyahe mula Metro Manila at mga probinsiya.
Muling binanggit ni Coseteng ang kanyang pusta na P2 milyon kay Arturo Tugade, kalihim ng DoTr, at iba pang opisyales na sumakay ng mga pampublikong sasakyan sa loob ng isang buwan upang malaman nila ang totoong hirap ng mga pasahero sa pagsakay ng pampublikong sasakyan. Sinabi ni Coseteng na nakahanda siyang ibigay ang pustang P2 milyon kung mapapatunayan ni Tugade na hindi mahirap ang bumiyahe sa mga pampublikong bus.
Nagpahayag ng kanyang saloobin sa programang “Balitaan sa Maynila.” Sina beteranong mamamahayag Angelo Almonte at Dave Veridiano ang nangunguna sa pulong balitaan tuwing Linggong umaga.
Nagpahayag si Coseteng ng kalungkutan sa hindi pagsipot ni Tugade at ibang opisyales ng DoTr sa kanyang hamon na magkita noong Biyernes na umaga sa isang fast food joint sa harap ng Bonifacio Monument sa Caloocan City at pumunta sa central bus terminal sa Bocaue, Bulacan upang sumakay ng bus pamprobinsya. Ipinakita ni Coseteng ang footage kung saan pumunta siya ng bus, sumakay ng jeep papuntang Bocaue, at sumkay ng traysikel sa pamasaheng P100 para marating ang central bus terminal nan nasa tabi ng Philippine Area na pag-aari ng Iglesia ni Cristo. Ipinakita ng video clip na inabutan ni Coseteng na halos walang laman na bus ang central terminal sa Bocaue.
Kinondena ni Coseteng ang patuloy na pananahimik ni Tugade at ibang opisyales ng DoTr sa itinuturing niyang “penitensiya” ng sambayanang Filipino sa usapin ang transportasyon lalo na ang bus pamprobinsya. Hindi sumasagot si Tugade at sinuman sa DoTr. Mukhang may sabwatan ang DoTr at iba pa sa pananahimik sa isyu na nakalipas na dalawang taon. Pati media ay tahimik, aniya.