Advertisers
HABANG papalapit na ang pagtatapos ng paglilingkod ng Administrasyong Duterte na mapalad akong napabilang, hindi na rin maubos ang dami ng mga nagtatanong, kung ano na ang aking mga plano?
Kung ako raw ba ay gagawa ng paraan para malipat sa mas permanenteng posisyon sa pamahalaan?
Wala po. Ang kasagutan ko sa tanong na mga yan. Sapagkat hindi ko kayang iwan ang mga tao kong nakasama sa anim na taon ng aming paglilingkod. Sama- sama kaming lilisan sa Malacañang pagdating ng Hunyo 30, na taas noo, sa aming naiambag sa industriya ng pamamahayag.
Totoo, may mga alok na natatanggap na maaari kong paglipatan. Mga mungkahi na ito dapat o ito ang aking gawin.
Ngunit masaya na ako sa aking nasimulan at mas masaya ako na tapusin ito, na alam ko namang nagawa ko ang lahat ng aking makakaya sa paglilingkod – ang matiyak ang seguridad ng lahat ng aking kabaro sa mundo ng pamamahayag na aming ginagalawan.
Hindi ko rin ikinababahala ang mga susunod pang mangyayari, dahil lahat naman tayo ay huhusgahan sa pamamagitan ng kung paano natin tinalikdan ang sinumpaang tungkulin.
Pagdating ng July 1, akin nang nakikita ang isang maganda at maayos na pagbabakasyon. Ang muling makasama ang pamilya, kamaganak at mga kaibigan upang makabawi sa kanila.
Ito ang talagang totoong ‘break’ na akin na ring pinapangarap na mangyari, matapos ang anim na taong ng todo at nakakapagod na pagtratrabaho. Ipina-pasa Diyos ko na at kay Alah, ang mga susunod pang mangyayari sa aking buhay. Inshallah!
Maraming mga bagay ang mga di ko magawa habang naglilingkod sa bayan at pamahalaan. Sakripisyong tunay ika nga. At talagang hinahanap ko na ang normal na buhay.
Yun bang, pwede na ko manapak ng gusto kong sapakin, nang walang iniilagang kaparusahan at kahihiyan.
At huwag kayong mag-alala ang aking pagbabakasyon, matapos ang paglilingkod kasama ang Administrasyong Duterte ay sandali lamang. At nakahanda akong muli na tanggapin ang anumang hamon sa buhay na darating sa aking harapan.
At sa mga nalalabi pang panahon ng paglilingkod, patuloy kong ibibigay ang lahat ng aking makakaya gaya nang kami ay nagsimula sa aming mga tungkulin.
Patuloy na isusulong ang aking adbokasiya na magbigay ng seguridad sa mga mamamahayag sa abot ng aking makakaya. Tutal lahat naman tayo ay gumagalaw at nabubuhay sa mga hiram na sandali ng ating buhay kay Alah. Gawin nating makabuluhan ang lahat ng mga sandaling ito ng ating buhay.