Advertisers
SIGAWAN ang may 70,000 supporters ni Vice President Leni Robredo noong Biyernes sa Paglaum Stadium sa Bacolod City nang iparinig ni Kyla ang kanyang Knock Knock Leni.
Isa si Kyla sa mga malalaking pangalan ng showbiz at musika na nagbigay-saya sa isinagawang VP Leni Bacolod rally.
Bukod kay Kyla, nagbigay saya rin sina Sharon Cuneta, Rivermaya, at Kuh Ledesma. Nandoon din sina Curtismith, Mayonnaise, Gracenote, Tippy Dos Santos, Gab Valenciano, Janina Vela, The Company, DJ Joey, at Kay Leni Tayo singers na sina Jeli Mateo, Justine Pena, at Nica del Rosario na naghandog ng mga kanta.
Sumuporta rin sa rally sina Edu Manzano, Joel Torre, Ronnie Lazaro, Nikki Valdez, at Agot Isidro, gayundin si Ogie Diaz kasama ang kanyang tropang sina Mama Loi at Dyosa Pockoh.
Sobrang naaliw ang mga Bacolodnons nang pakawalan na ni Kyla ang kanyang Knock Knock Leni. Ani Kyla, “knock-knock.” “Who’s there?” tanong ng bayan.
“Leni,” sagot ni Kyla.
“Leni who?” muling tanong ng Bacolodnons.
“When I found myself in times of trouble mother LENI comes to me speaking words of wisdom let it be. Let LENI Lead, Let Leni Lead, Let Leni Lead, Let Leni Lead. Speaking words of wisdom Let LENI LEAD!” kaya naman naghiyawan ang may 70k na sumuporta sa rally.
Pero bago pinakawalan ni Kyla ang kanyang knock-knock at kanta sinabi muna nitong, “katulad po ninyong lahat ako po ay nangangarap din at punumpuno ng pag-asa at kasama ninyong nagdarasal para sa kinabukasan ng ating bayan.”
Isa si Kyla sa masugid na tagasuporta ni VP Leni sa pagtakbo nito bilang pangulo sa darating na halalan sa Mayo 9.
Samantala, nag-trending ang hashtag #BacolodIsPink bilang No. 1 sa Pilipinas at sa buong mundo sa Twitter habang ang #MASSKARApatDapatLeniKiko at #NegOccIsPink ay nasa ikatlo at ikaapat.