Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay (sa piling ng Diyos)?’…” (si Jesus, sa Mateo 16:26, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MGA MANGGAGAWA, MGA MAHIHIRAP, AT MGA MALILIIT NA NEGOSYANTE, MAGLULUNSAD NG MGA RALLY PARA IHAYAG ANG NARARANASAN NILANG HIRAP SA HARAP NG MATAAS NA PRESYO NG GASOLINA: Nahaharap sa isang malawakang mga pagkilos sa hanay ng mga manggagawa, mga maralitang taga-lungsod, at sa mga malilit na negosyante, ang buong bansang Pilipinas.
Ito ay dahil sa agarang pagtataas ng singilin ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo, at pagtanggi naman ng gobyerno na magtaas ng pamasahe ang mga jeepney drivers at ng iba pang mga pampublikong sasakyan, at mabagal na tugon sa kahilingang itaas ang sahod sa lahat ng antas ng paggawa.
Ayon sa mga nakausap ng Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Huwebes, Marso 10, 2022, at sa mga manaka-nakang ulat na naglalabasan sa social media, wala ng nakikitang remedyo ang mga mahihirap at maliliit sa lipunang Pilipino sa ngayon.
-ooo-
KASAKIMAN, O PAGKAGAHAMAN, ANG DAHILAN NG MATAAS NA PRESYO NG GASOLINA, BANAT NG MGA KRITIKO NG OIL COMPANIES: Tila suko na sila sa paghahanap ng paraan upang mapagtagumpayan ang hirap na kanilang dinaranas sanhi ng mataas na presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo umpisa noong Martes, Marso 08, 2022, kaya rally at mass actions na naman ang kanilang nakikitang opsyon.
Ang isa sa mga tinutuligsa ng mga manggagawa at mga maralitang taga-lungsod ay ang naging pasya ng mga oil companies sa bansa na patuloy na itinataas ang presyo kada litro ng kanilang mga ipinagbibiling gasoline at oil products.
Hindi makatwiran, walang batayan, at pagpapakita na lamang ng pagkagahaman, ang nasabing pagtataas ng mga presyo, na nagsimula noong dalawang buwan na ang nakakaraan.
Sa datos ng Department of Energy, ang pagtataas ng pump price per liter nitong Martes ay pan-labing-isang pagtataas na, sa loob ng labing-isang linggong tuloy-tuloy.
-ooo-
“MGA PRODUKTONG ITINAAS ANG PRESYO, NABILI SA MALIIT NA HALAGAN NOONG ISANG TAON PA”: Sa lahat ng ito, idinadahilan ng mga oil companies ang nagaganap na kakulangan ng supply na dumadating sa Pilipinas, dahil sa Russia-Ukraine invasion, sa COVID 19 pandemic, at iba pang mabuway na sitwasyong pampulitika sa mga bansang tradisyonal na pinanggagalingan ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.
Magkaganunman, ayon sa mga manggagawa, sinasabi nilang pagka-gahaman ang dahilan ng karamihan sa mga pagtataas ng presyo na ipinatupad ng mga oil companies dahil ang lahat sa kanila, o marahil, ng karamihan sa kanila, ay nakabili ng krudo noon pang Agosto o Setyembre ng nakaraang taon, sa presyong mababa.
Ang ipinagbibili nila sa ngayon ay ang mga produktong petrolyo na binili nila sa mababang presyo, kaya dapat, ayon sa mga manggagawa, mababa pa din ang presyo kada litro.
Ang mataas na presyo na kanilang sinisingil ngayon ay walang batayan, dagdag nila. Ang tanging laban ng mga manggagawa ngayon, ayon sa kanila, ay ang pagtungo sa kalye.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com (Kakampi Mo Ang Batas), Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, at 95.5. J FM network.