Advertisers

Advertisers

Patas na hatian ng gobyerno at magsasaka sa kita, aarangkada sa administrasyong Lacson-Sotto

0 180

Advertisers

PARA tumaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda sa ating bansa, plano ng tambalang Lacson-Sotto na bilhin ang 50 porsyento ng kanilang ani kung sila ang susunod na magiging presidente at bise presidente.

Sa pagdalaw nila sa Cagayan Valley region na mayaman sa mga produktong agrikultura, ipinaliwanag nina Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto ang mga kongkretong paraan para maipatupad ang programang magpapataas sa kita ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Bukod sa tamang implementasyon ng Free Irrigation Law na magpapatayo ng maayos na irrigation facilities, palalakasin din ng Lacson-Sotto tandem ang pagbibigay ng pataba at punla sa pamamagitan ng pagdaragdag sa pondo ng Department of Agriculture, kasabay ng pag-uugnay sa kanila sa mga research institution tulad ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).



Sa ilalim ng isang Lacson presidency, magiging magkatuwang ang pamahalaan at local government units (LGU) sa pagbili ng mga produkto sa ating magsasaka at mangingisda, at ang mga lokal na pamahalaan naman ang magbebenta nito sa loob o labas man ng bansa.

“Sa ganitong pamamaraan, giginhawa ang buhay ng mga lokal na magsasaka at mangingisda dahil wala na ang middleman na nagpapautang sa kanila na may mataas na interest,” ayon kay Lacson sa kanyang pakikipagdayalogo sa mga taga-Cauayan City, Isabela nitong Lunes.

Inilahad nina Lacson at Sotto na hindi imposible ang ganitong programa dahil ipinatutupad na ito sa probinsya ni Davao del Norte Governor Edwin Jubahib, secretary-general ng Partido Reporma, kung saan 100 porsyento ang nabibili ng LGU mula sa mga ani ng magsasaka.

“Sa ngayon two percent lang ang nabibili sa mga produkto ninyo, ano? Pagkatapos ‘non pasok na ang middlemen, pasok na ‘yung mga traders, sila na nagdidikta ng presyo niyo kaya kayo nahihirapan. Sa amin po hindi,” ayon kay Sotto.

“50 porsyento ng produkto ng lahat ng magsasaka bibilhin ng gobyerno. Kuwentado na po namin ‘yan, kasyang-kasya, kayang gawin. Kaya pong gawin,” saad pa ng kasalukuyang Senate President at vice presidential candidate.



Ramdam ng tambalang Lacson-Sotto ang hirap na pinagdaraanan ng mga magsasaka dahil sa tumataas na presyo ng binhi, abono, at iba pang pangangailangan sa pagsasaka kaya para matugunan ito ay pinag-aralan nila ang pormula na hindi lamang pantapal sa problema, kundi isang pangmatagalan solusyon.

“Kung naririnig niyo po ‘yung mga ibang kandidato, puro motherhood statements ang bibitawan sa inyo. Sasabihin sa inyo tutulungan ang magsasaka, food security, puro ganoon ang sasabihin pero hindi sinasabi kung paanong gagawin. Kami mayroon (plano) kung paano gagawin,” sabi ni Sotto.