Advertisers
BINALEWALA ng kampo ng Team Isko-Doc Willie ang resulta ng Pulse Asia survey ng nakaraang buwan.
Sa ambush interview ng media sa Silay City, Negros Occidental kahapon ng umaga, Marso 16, sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ang datos ng Pulse Asia ay hindi nagpapakita ng kasalukuyang pulso ng mamamayan dahil may isang buwan na ang lumipas mula noong ginawa ang survey, that’s mind conditioning.
“Natutuwa kami na kahit saan lugar sa Pilipinas, at kahit na teritoryo ng mga ibang kandidato ay mainit naman ang pagtanggap ng ordinaryong tao sa atin. I’m thankful nga dahil sa Silay Airport pa lang nang dumating ako ay nakaka-overwhelm na,” sabi ni Yorme Isko.
Iikot ang Team Isko-Doc Willie sa Negros Islands ng dalawang araw para suyuin ang mga tao sa nasabing rehiyon, “patuloy kami na manunuyo, patuloy kaming makikiusap, patuloy kaming hihingi ng inyong tulong at sa awa ng Diyos, maipapanalo natin ang laban na ito,” sabi ni Isko.
Ani Yorme Isko, ang nagpapalakas ng loob sa akin ay ang mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanilang kampanya, at masaya ako sa piling ng mga tao.
Mahalaga, sabi ng pambatong kandidato ng Aksyon Demokratiko, nararamdaman niya ang mainit na pagtanggap ng mga tao sa rehiyon ng Negros, na halos iwan ang sinaing at i-cancel ang pagpasok sa trabaho makita lang tayo kaya taliwas ito sa mga numero na inilalabas ng ibang survey firms.
“Focus lang kami ni Doc Willie Ong, kandidatong bise presidente at mga kandidatong senador former Agrarian Sec. John Castriciones, Samira Gutoc, Dr. Carl Balita at Jopet Sison, at sana sa inyong puso, kung maluwag pa naman, isama nyo kaming anim, hindi namin kayo bibiguin,” sabi ni Yorme Isko.
Lalo siyang nagiging inspirado, paliwanag ni Yorme Isko dahil sa maraming dumadalo sa miting niya ay gumagastos ng sariling pera.
“Most of them spend their own money, or if not, spend their time just to be here. Yung marami nagdadala pa ng pagkain, ng tubig, ng pammeryenda. Nakaka-inspire ang pagmamahal nila na ipinapakita sa amin,” sabi ni Yorme Isko.
“Uulitin ko po, ang internal numbers na nakukuha namin na mas malapit sa kasalukuyang panahon ay mas malaki ang pagkakaiba hambing sa numero ng Pulse Asia,” sabi ni Yorme Isko.
Anoman ang maging resulta ng mga political survey, sinabi ni Yorme Isko na tulad ng matigas na bulalo, “lalambot din iyon,” at makukuha nila ang simpatya, puso at pulso ng mamamayang Pilipino.(BP)