Advertisers

Advertisers

‘DMW regalo sa OFWs’ — Bong Go

0 361

Advertisers

SINABI ni Senator Christopher “Bong” Go na ang pagtatatag ng Department of Migrant Workers ay naging posible sa pamamagitan ng pagsusumikap at determinasyon hindi lamang ng mga tagapagtaguyod nito kundi maging ng bawat migranteng manggagawang Pilipino.

Sa isang ambush interview matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City, pinasalamatan ni Go ang kapwa senador na si Joel Villanueva, chair ng Senate Labor Committee, na nakipagtulungan sa kanya para makuha ang pag-apruba ng Senado noon sa iminungkahing panukala.

“Nagpapasalamat din po ako kay Senator Joel Villanueva. S’ya po ang kasama ko talaga,” ani Go ukol kay Sen. Villanueva na nag-isponsor ng pagpapasa ng panukala sa Senado.



“Nung una, hirap na hirap po kaming nakikiusap sa mga kasamahan namin sa Senado na suportahan po ito dahil para po ito sa OFWs natin at pangako po ito ni Pangulong (Rodrigo) Duterte, pangako po natin ito sa kanila,” gunita ni Go.

Si Go ang nag-akda at nag-co-sponsor ng bersyon ng Senado ng Republic Act 11641, Senate Bill No. 2234. Ito ang pinagsama-samang bersyon ng naunang panukalang inihain niya na naglalayong lumikha ng Department of Overseas Filipino Workers, na tinitiyak ang mahusay at epektibong paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa mga makabagong bayani ng bansa.

Itutuon ng DMW ang mga resources ng gobyerno sa pagprotekta sa mga karapatan at pagsusulong ng interes ng mga migranteng manggagawang Pilipino.

Sasagutin ng DMW ang lahat ng kapangyarihan at tungkulin ng mga ahensya ng gobyerno na kasalukuyang namamahala sa mga bagay na may kaugnayan sa trabaho sa ibang bansa, tulad ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs sa ilalim ng Department of Foreign Affairs; Philippine Overseas Employment Administration, Philippine Overseas Labor Office, International Labor Affairs Bureau, at National Maritime Polytechnic sa ilalim ng Department of Labor and Employment; National Reintegration Center para sa mga migranteng manggagawa sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration; at Office of the Social Welfare Attaché sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.

Alinsunod sa Seksyon 23 ng DMW Act, ang Opisina ng Pangulo ay naglabas ng isang memorandum na bumubuo sa transition committee upang mapadali ang kumpleto at buong operasyon ng bagong departamento. Itinalaga rin kamakailan ni Pangulong Duterte si Abdullah “Dabs” Mama-o bilang kalihim ng DMW.



“Pini-prepare na po ang IRR ngayon since meron nang secretary,” ani Go.

“Hopefully po, sana bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte ay talagang nandiyan na ang departamentong lalapitan nyo na mag-aasikaso sa ating mga OFWs,” dagdag niya.