Advertisers
PATAY-MALISYA ang mga retiradong military at police officers sa panawagan ng mga aktibong opisyal ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na sana ay huwag silang magpagamit sa pulitika, kung saan ay nakakaladkad ang buong organisasyon na kanilang dating kinabibilangan.
Naglabasan ang ulat na hindi sinunod ng ilang retired officers ang panawagan na sana ay huwag silang magpagamit sa ilang pulitiko o political party sa pagsusulong ng kanilang mga political ambitions na umaangkla sa kanilang pagiging mga dating senior officers ng PNP at AFP.
Binabatikos ng ilang mga dati at kasalukuyang miyembro ng PNP at AFP ang umanoy lantarang pamumulitika ng mga retiradong opisyal nang pumayag umano sila o hindi tinutulan na gamitin ang kanilang mga pangalan upang ipakita ang kanilang suporta sa ilang pulitiko.
Nilinaw din naman ng pamunuan ng PNP at AFP na hindi na saklaw ng kanilang mga direktiba ang pagiging apolitical o non -partisan ng organisasyon ang mga retirado nang opisyal. Kaya nga dinaan nila sa panawagan.
Una nang nanawagan ang pamunuan ng PNP sa ilang retirado nilang kasamahang opisyal na huwag idamay ang organisasyon sa kanilang political agenda.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP spokesperson Pol. B/Gen. Roderick Augustus Alba, matapos na makarating sa kanilang kaalaman na may ilang dating police official at organisasyon na nag-eendorso ng mga kandidato sa halalan na gamit ang pangalan ng PNP.
“With all due courtesies to our retired PNP Officers, we respect your political views and opinions as private individuals. But by all means, please spare the PNP from partisan political activity,” ani B/Gen. Alba.
Binigyang-diin ni Alba na nirerespeto ang mga pananaw ng kanilang mga retiradong opisyal pero walang kinalaman ang PNP sa personal na opinyon sa politika ng mga tao o grupong ito na ipino-post sa social media.
Sabi ni Alba, hindi gawain ng PNP na magpahayag ng suporta para sa sinumang kandidato at nananatili umano ito bilang isang non-partisan na organisasyon.
“The PNP maintains a non-partisan stance and will never endorse any political paty or candidate vying for any elective position,” dagdag pa ni Alba.
Nagbabala si Alba na hindi lang ang mga tao na gumagamit sa pangalan ng PNP sa pamumulitika ang hahabulin ng PNP, kundi maging ang mga grupong politikal na nagbayad sa kanila para sa pag-endorso.
Ganito rin ang pahayag ng military na nagsabing, mananatiling non-partisan ang 145,000-strong AFP, kasabay ng pagtiyak na babantayan nila ang kasagraduhan ng balota.
“The Armed Forces of the Philippines would like to appeal to various groups and individuals alike to refrain from alluding the military organization to any political agenda. The AFP leadership is firm in reminding its members to not engage in any partisan political activities prior, during and after the election period,” ayon kay Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng hukbong sandatahan ng Pilipinas.
Sana, kung gusto mamulitika ng mga retiradong opisyal na ito, huwag nang gamitin ang kanilang dating ranggo at wag na ding kaladkarin ang PNP at AFP. Lalo na kung may kapalit na bayad. Nakakahiya.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.