Advertisers
KASABAY ng malalakas na sigaw na “Yorme Isko, Mahal Ka Namin. Ikaw ang Presidente Namin,” mainit na sinalubong at tinanggap ng mamamayan ng City of Kabankalan ang pangkat ng Aksyon Demokratiko sa pagbisita sa Kabangkalan, Negros Occidental nitong Huwebes, Marso 17.
“Maraming-maraming salamat, kahit mainit ang araw, naglabasan kayo,” nakangiting tugon ni presidential aspirant Manila Mayor Francisci ‘Isko Moreno’ Domagoso sa ambush interview sa kanya ng media kasabay ang pagbati, pagkaway at tilian ng mga sumalubong sa tropa niya, kasama ang mga kandidatong senador Jopet Sison at dating Agrarian Sec. John Castriciones.
“Grabe nakakataba ng puso,… Kung ano ang tinindi ng init ng sikat ng araw eh ganun din ang mainit na pagsalubong nyo sa amin,” sabi ni Yorme Isko.
Sa harap ng kababayan sa town hall meeting sa Barangay 9 covered court may pagmamalaking ipinakilala ni Migz Zayco, kandidatong Vice Mayor ng Aksyon, si Yorme Isko na sinabi: “Yomer Isko, kami lahat sa rehiyon ay proud na proud binisita nyo kami, so maraming salamat po.”
Sa kalsada, iwinawagayway ng mga tao ang mga campaign shirts, banners, at sariling gawang poster na may larawan ni Yorme Isko at ni Doc Willie at ng mga kandidatong senador.
Sa katuwaan ni Yorme sa ipinakitang kaaya-ayang pagsalubong ng mamamayan ng Kabangkalan, bumaba sa sinasakyang may bubong na trak si Isko, nakipagkamay, masayang nakipag-selfie sa mga tao at ipinirma ang pangalan sa mga poster at T-shirt ng naghihiyawang tagahanga.
Nakipagkuwentuhan din si Yorme Isko sa ilang Lola na kanyang binabaan at sabay ring nakipag-selfie na, may mga kasamang pabulong na lalong ikinatuwa ng mga ito.
Sa loob ng dalawang araw na pagbisita sa Silay City, Victorias City, Bgy. Banago, Bacolod City, at City of Kabankakan, rehiyon ng Negros Occidental ay naging napakainit ang pagtanggap ng mga residente sa pangkat ng Aksyon Demokratiko na doon ay inihayag ang “Buhay at Kabuhayan” na isusulong ni Isko kung palaring manalo sa Mayo 9, 2022.