Advertisers
MAY natuklasan na naman ang mga awtoridad na kakaibang uri ng droga na kung tawagin nila ay ‘shabu pills’.
Ibig sabihin, hindi na ito kristal o powder para hindi mahalata.
Ito ang natuklasan makaraang matimbog ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 37-anyos na lalaking Chinese dahil sa pagbebenta raw ng nasabing droga.
Kung hindi ako nagkakamali, nasakote ng NBI Special Action Unit (SAU) si alyas Lao Lee sa Abaca St., Barangay Poblacion, Makati City kamakailan.
Sinasabing nakasiksik sa loob ng isang face mask ang mga pellet-sized at pulang pills.
May tig-10 pills na nakalagay sa selyadong plastic straw kung saan may nakita ring isang kahon ng mahigit 20 pang pills.
Tsk, tsk, tsk.
May nasilip ding shabu sa isang canister habang nakakumpiska rin ng isang .9 mm na baril ang mga awtoridad.
Sabi ni NBI SAU executive officer Kristine Dela Cruz, noong Disyembre pa ng nakaraang taon sinimulan nilang manmanan ang suspek na hinihinalang bahagi ng grupo ng mga Chinese na nagpapasok ng shabu pills sa Pilipinas mula China.
Karaniwang binebentahan daw nila ng ipinagbabawal na droga ang mga kapwa Chinese nila sa Kalakhang Maynila.
Tinatayang P224,000 na halaga ng droga ang nasabat sa operasyon.
Ayon sa NBI, binebenta raw ng tig-P2,000 hanggang P4,000 ang bawat pildoras.
Nasa loob ng pills ang methampethamine hydrochloride, caffeine, at ethyl vanillin na pinaniniwalaang pampalasa.
Aba’y ginagamit din daw ito sa ibang bansa bilang pampagana sa sex.
Agad na isinalang ang suspek sa inquest proceedings at nakatakdang sampahan ng mga reklamong drug selling and possession, illegal possession of firearms, at paglabag sa gun ban.
Medyo alarming ang insidenteng ito.
Ang dami nang naglalabasan na iba’t ibang uri ng droga.
Kapag gusto talagang ilusot ito ng sindikato ay nahahanapan nila ng paraan.
Mantakin ninyo, iisipin mong normal lang na pills pero pagbuklat mo ay shabu pala ang laman.
Kaya mahalagang mas paigtingin pa ng mga awtoridad ang pagmamanman nila sa mga sindikato ng droga sa bansa.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!