Advertisers
NANGAKO si Senator at Senate Committee on Health chair Christopher “Bong” Go na patuloy na magsusulong ng mga hakbang na magtitiyak ng mas mahusay na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa, partikular sa mga rural na lugar.
Naniniwala si Go na ang pagpapabuti sa mga pasilidad na medikal ay apurahang kailangan upang sapat na matugunan ang mga pangangailangan ng maraming pasyenteng Pilipino.
Ginawa ng senador ang pahayag sa New Capitol Building sa Palo, Leyte nang personal niyang saksihan ang ceremonial turnover ng financial assistance mula sa Office of the President (OP) para sa pagpapaunlad ng sektor ng kalusugan sa mga lalawigan ng Leyte, Southern Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar at Northern Samar.
“Ako po sa Senado, ipinaglalaban ko po ang increase bed capacities ninyo, lahat ng mga hospital bills… Naiintindihan ko na mahalaga talaga ang pagtatayo ng bagong ospital dahil may mga lugar talaga na malayo, mahirap. Tulad sa Davao Occidental, 200 kilometro ang layo mula sa Regional Hospital. Ang layo no’n, maghihingalo na ang pasyente bago nila magamot. Kaya mas dapat tayong mamuhunan nang tama sa ating healthcare system. Ako bilang inyong Committee chair sa Senado, patuloy ko pong ipaglalaban ito,” idiniin ni Go.
Ang tulong na nagkakahalagang P792.5 milyon ay nagmula sa Socio-Civic Projects Fund ng OP at kasama ang badyet upang suportahan ang mga proyekto sa pagpapaunlad ng kalusugan ng dalawang ospital sa Leyte. Ito ay ang Gobernador Benjamin T. Romualdez General Hospital at Schistosomiasis Center sa Palo at Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City.
Walo pang provincial hospital ang makikinabang sa nasabing suporta, tatlo dito ay nasa probinsya ng Leyte, kabilang ang Leyte Provincial Hospital sa Palo, Immaculate Concepcion Hospital sa Baybay City, at Ormoc District Hospital sa Ormoc City.
Ang Salvacion Oppus Yñiguez Memorial Provincial Hospital sa Maasin City, Southern Leyte; Eastern Samar Provincial Hospital sa Borongan City; Northern Samar Provincial Hospital sa Catarman; Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City at Biliran Provincial Hospital sa Naval, Biliran ay makakatanggap din ng tulong.
Bukod sa pagpapaunlad ng mga nasabing healthcare facilities, gagamitin din ang tulong pinansyal mula sa OP sa pagbili ng mga kagamitang medikal, tulad ng computerized tomography (CT) scan machine, ultrasound machine, at laboratory equipment para sa iba’t ibang lokalidad sa Leyte, kabilang ang mga bayan ng Mahaplag, Bato at Javier at ang lungsod ng Baybay.
Magkakaroon din ng pondong ilalaan para tumulong sa pagtugon sa mga agarang pangangailangan ng mga mamamayan sa Biliran na naapektuhan ng pandemya ng COVID-19. Panghuli, ang gobyerno ng Eastern Samar ay makatatanggap din ng tulong pinansyal para matulungan ang mga biktima ng Bagyong Odette.
Pinuri ni Go ang lahat ng medical frontliners sa kanilang walang sawang dedikasyon at kanilang hindi masusukat na sakripisyo sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan.
Inulit din ni Go ang kanyang apela sa mga susunod na pinuno na ipagpatuloy ang pagpapalawak ng Malasakit Centers sa buong bansa, na idiniin kung paano nakatulong ang mga center sa mahigit tatlong milyong Pilipino sa kanilang mga gastusin sa pagpapagamot.
“Mayroon na tayong 151 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong sa inyo. Batas na po ito and I’m hoping na sana po’y kung sino man po ang susunod na administrasyon, ipagpatuloy niyo lang po. Kung sa tingin ninyo may kailangang i-improve, dagdagan, dagdagan niyo po. Alam naman po natin na nakakatulong ito sa mga mahihirap,” udyok ni Go.