Advertisers

Advertisers

Ilegalista sa Lipa, dumeklara na kay Africa!

0 796

Advertisers

DAHIL sa halatang pagluluwag ni Lipa City Mayor Eric B. Africa sa kampanya laban sa operasyon ng iligal na pasugal na iniuulat ding prente ng bentahan ng shabu sa mahal kuno niyang lungsod ay dumeklara na ng kani-kanilang marubdob na pagsuporta sa naturang alkalde sa papataing na halalan ang mga batikan at noturyus na mga iligalista sa nasabing siyudad.

Inaasahang ang magiging resulta ng hayagang pagsuporta kay Africa ng mga perwisyong gambling/ drug operator, ay ang pagluluwag naman lalo ng 2nd termer na alkalde na makapag-operate ang mga tulad ng kinikilalang Batangas Perya-sugalan (Pergalan) Queen na isang alias Mely , Small Town Lottery (STL) con jueteng couple na sina alias Hadjie at Aiza at dalawang kilalang saklang-patay operator na sina alias Ronnie at Oying.

Walang aksyon laban sa mga nasabing kabalbalan si Lipa City Police Chief, P/LtCol. Ronald Cayago. Nakapagdududa naman ang pagsasawalang kibo ni Cayago?



Si alias Mely ay nakapagtayo ng kunyari ay mini-carnival, ngunit ang nakalatag naman ay pawang mga color games, drop balls, cara y cruz, beto-beto, sakla at iba pang uri ng bawal sa batas na table at card game sa Brgy. Anilao Labac na nasa ilalim ng pamumuno ni Brgy. Captain Moreto Hosme.

Kapanalig sa pulitika ni mayor si Hosme, kaya sa kabila ng mga dumadagsang reklamo ng mga mamamayan sa tanggapan ng alkalde laban sa naturang kabesa de barangay ay di ito inaaksyunan ni Africa.

“Dahil nasa sentro po ng Brgy. Anilao Labac at abot lamang ng pukol ng bato mula sa tanggapan ni Hosme ang mga pasugalan ni alias Mely ay napaghihinalaang naming na kasosyo ng nasabing lady gambler si Kapitan”, ang mensahe sa SIKRETA ng isang nagpakilalang residente ng naturang lugar.

“Noon pa pong bago magpasko naipatayo sa aming barangay ang kunyari ay peryahang ito ngunit hanggang ngayon ay nag-ooperate pa rin halos ay buong magdamag kaya nakakapuyat, nakaka-bwesit na talaga lalo na sa tulad naming nag-oopisina”, hinaing naman ng isang nagpakilalang concerned government employee.

“Sa tototo lang po ay panay-panay naman ang reklamo at panawagan namin kay Kap Hosme na ipatigil na ang operasyon ng mga pasugalan sa aming barangay pagkat dito rin nagkikita-kita ang mga drug pusher at adik kaya nagiging mitsa tuloy ito ng malimit na kaguluhan sa aming lugar pero nagtataka naman kami pagkat “nagtetengang kawali” lamang itong si kapitan”, pagsisiwalat naman sa SIKRETA ng isa pang texter.



“Ito pong si alias Mely ay may lakas pa ng loob na i-announce sa kanilang sound system na siya at ang kanyang mga tauhan ay suportado si Mayor Africa, kaya may bendisyon sila at di mapapahinto ang kanilang operasyon”, anang isa pang nagrereklamong texter.

Mahigpit naman ang abiso ng jueteng operator na alias Hadjie at Aiza ng Brgy. San Jose sa kanyang mga kabo at kubrador na ang kanilang tatangkilikin sa May 9, 2022 election sa pagka-mayor ay ang re-electionist na si Africa.

Katunayan, kada kabo at kubrador ay inutusan din ng mag-asawa na mamigay ng tarheta ni Africa at maglagay ng mga tarpauline sa kanilang mga tirahan.

Ang sakla operator naman at tulisan na sina alias Ronnie E. at Oying ay may pambihira at pulidong pangangampanya pabor kay Africa.

Sa kada lamayan ng patay na pinagdadausan ng kanilang 24/7 na pasakla ay ipinagdidiinan ng mga ito sa mga pamilya ng namatayan na inatasan na sila ni Mayor Africa na itaas ang kabahagi ng kinita sa saklaan para sa pamilyang naulila.

Kontrololado ng magkasosyong alias Ronnie at Oying ang pagpapatakbo ng saklaan sa patay sa looban ng 72 barangay sa naturang lungsod. Kaya kung saan may namatay ay naroroon din ang negosyo ng dalawa.

Kapag pumaltos naman at dumaan ang araw na walang patay sa Lipa City, ay napipilitan ang dalawang tulisan na umarkila ng patay sa mga punerarya at sa mga barangay ng Lodlod, Sampaguita, Bolbok at Sabang ang mga ito nagpapasakla.

At natural lang naman na kaalam marahil doon sina Kapitan at si Mayor Africa? Tama po ba, Mayor Eric sir?

Kung sa ganang inyong lingkod ang tatanungin ay hindi agad tayo karakang naniniwala sa ibinabatong mga paratang laban sa mabunying alkalde, kaya lang kailangan naman nitong patunayan na kontra ito sa gawaing iligal, hindi lang sa ngawa kundi maging sa gawa?

Kaya naman Kernel Cayago, mga alipores ni Mayor Africa at barangay chairmen dyan sa Lipa City, aksyon naman mga sir laban sa mga katarantaduhan nina alias Mely, mag-asawang alias Hadjie at Aiza at magpakner na Ronnie at Oying!

***

Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.