Advertisers
TODONG suporta sa muling pagtatatag ng Negros Island Region (NIR).
Ipinangako ito ni Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kampanya sa Silay City, Negros Occidental nitong Miyerkoles, Marso 16.
Susuportahan niya ang muling pagbuo ng NIR kung ito ang kagustuhan ng mga mamamayan, sabi ni Yorme Isko kasi “may tenga sa tao” ang kanyang gobyernong mananalong pangulo sa Mayo 2022.
“Kung gusto nyo ng unification or gusto nyong as one Negros as long as it will make you happy, it will bring you economic growth at ikabubuti ng tao, 101 percent, susuporta ako,” sabi ni Isko na sinundan ng malalakas na sigaw ng katuwaan ng mga kaharap na residente ng lungsod.
Mahigit nang 20 taon na hinihiling ng mga Negrenses na pagisahin ang Negros Occidental at Negros Oriental sa isang administrative region.
Kabilang ang Negros Oriental sa Central Visayas na ang sentro ng gobyerno ay sa Cebu, at ang Negros Occidental na parte ng Western Visayas ay nakabase naman sa Iloilo.
Naitatag ang NIR noong Mayo 2015 sa pinirmahang Exec. Order 185 ni dating Presidente Benigno Aquino III na bunga nito, humiwalay ang Negros Occidental saWestern Visayas at ang Negros Oriental sa Central Visayas.
Binuwag ang NIR noong Agosto 2017 nang ilabas ni Presidente Rodrigo Duterte ang EO 38.(BP)