3 Presidentiables suportado si Isko sa paniningil ng P203B estate tax na utang ng pamilya ni BBM
Advertisers
TATLONG Presidential candidates ang nagpahayag ng suporta kay Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Isko Moreno sa kagustuhan nitong singilin at kolektahin ang P203-billion estate tax na utang ng pamilya ni Bongbong Marcos, Jr. sa Philippine government at gamitin ito bilang ayuda sa mga sektor na higit na nangangailangan.
Sa ginanap na presidential debate na sponsored ng Commission on Elections (Comelec), sina presidentiables Leody de Guzman, Vice President Leni Robredo at Senator Ping Lacson ay pawang sumangayon kay Moreno matapos na ipangako ng alkalde na kokolektahin ang nasabing halaga kapag siya na ang Pangulo ng bansa at gamitin ito bilang suportang pantustos ng mga magsasaka at public utility drivers.
Ginawa ni Moreno ang nasabing pahayag kaugnay ng suliranin sa pagtuloy na pagtaas ng presyo ng fertilizers na hindi nabibigyan ng kailangang atensyon.
“Umasa kayo mga kababayan. ‘Yung isang pamilyang me utang na P203 bilyon sa excise tax, sisiguraduhin nating sisingilin ko po ‘yun, kukunin ko, ibibigay ko sa mga magsasaka at mga driver na talagang nangangailangan ng ayuda sa ngayon,” sabi ni Moreno.
Unang nagpahayag ng suporta kay Moreno si Lacson nang sabihin nito na: “…tama ‘yun alam nyo ang ipinasa naming tax packages ang dami nun pero ang na-attain lang is P11 billion. E merong P203 billion, sisingilin na lang, andiyan na. Bakit ayaw singilin ng BIR?”
Sa kanyang bahagi naman ay sinabi ni Robredo na : “Sususugan ko din ang sinabi ni Mayor Isko at Senator Ping… pinagaaway-awayan natin ang pag-suspend sa excise tax dahil walang pera…eto P230 (sic) billion pag nasingil natin ito, di na natin kailangan tipirin ang ating mga kababayan.”
“Sang-ayon din ako pare, kailangan din natin kunin ang P203 billion na ‘yun,” na direktang sinabi de Guzman kay Moreno kung kaya’t napilitan ang moderator na si Luchi Cruz-Valdez na paalahanan siya sa rule na bawal makipag-usap sa kapwa kandidato.
Sinabi pa ni Moreno na kapag nakolekta na niya ang P203 billion, ay ipatutupad naman niya ang tapyas na 50 percent sa buwis ng petrolyo at kurenyete.
“Government will lose P65 billion pero meron pa akong matitira sa P203 billion minus P65billion na daang milyon pa na pupuwedeng ibigay sa tao,”sabi pa ni Moreno na idinagdag din na nasa wastong fiscal management at katiyakan ng batas lamang ito. (ANDI GARCIA)